Ex live-in ng actor, naghahanap ng karamay para makapagreklamo
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - December 12, 2019 - 12:00am

Ang babae raw na nagdudugo pa ang puso ay ibang klaseng magalit. Daig pa niya ang kapanganganak na tigre sa katapangan.

Lalo na kapag mahal pa rin ng babae ang lalaking nakahiwalay niya, siguradong lahat ay gagawin ng babae, hindi niya bibigyan ng katahimikan ang lalaki para lang makaparehas siya.

Ganu’n mismo ang nangyayari ngayon sa babaeng nagbibigay nang matinding problema sa isang male personality. Ayaw niyang patahimikin ang aktor, gumagawa siya ng paraan para masira ang imahe nito, kahit pa maging kahiya-hiya na siya sa mata ng maraming nakakakilala sa kanilang dalawa.

Kuwento ng isang source na dating malapit sa naghiwalay na magka-live-in, “Nakakaawa ‘yung guy dahil kahit sa linya ng trabaho niya, e, nanggugulo pa rin ‘yung girl!

“Gumagawa siya ng mga dahilan para lang umuwi ‘yung lalaki, kung anu-anong kuwento ang pinagtatagpi-tagpi niya, mapauwi lang ‘yung lalaki!

“Pagdating sa bahay, e, wala naman palang dahilan para pauwiin siya, inaapuntahan lang ng pagseselos ‘yung girl, gusto lang siyang pauwiin!” madiing kuwento ng aming impormante.

Matagal nang problema ng male personality ang kanyang kinakasama, kinausap na nito ang kanyang pamilya, pero ang payo sa kanya ng mga ito ay baka naman magbago pa ang ina ng kanyang mga anak.

Patuloy ng aming source, “Puro pasensiya lang ‘yung guy, tinatanggap na lang niya ang mga bintang sa kanya nu’ng girl, hanggang sa talagang hindi na niya kinaya ang lahat.

“Nakipag-usap na sila sa kani-kanilang pamilya, humingi na rin sila ng tulong sa mga opisyal ng lugar nila, maayos ang hiwalayan nila kung tutuusin, e!

“Nagulat na lang ‘yung male personality kung bakit biglang nagwarla ang girl, siniraan na siya nang siniraan, puro baligtad na ang kuwento nu’ng babae!

“Duda ng kampo ng male personality, e, may mga taong nag-uutos sa babae para wasakin siya, halatado naman kasing pinupuntirya ang career niya!” sabi uli ng aming source.

Ang pinakahuling balita ay tinatawagan ngayon ng babae ang dating karelasyon ng female personality na karelasyon naman ngayon ng male personality para siraan ang dati niyang ka-live-in.

Huling sultada ng aming source, “Kung sa akala niya, e, babalikan pa siya nu’ng male personality, e, nagkakamali siya! Lalo lang lumalayo ang loob sa kanya ng father ng mga anak niya dahil lahat na lang, e, ginagawa na niya para masira ang image nu’ng tao!

“Tawag-tawagan ba ang ex ng karelasyon ngayon ng ex niya? The height na ‘yun, ha? Hindi niya naman kilala ang ex ng female personality, pero kinukumbinse niyang magreklamo?” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Miko

‘You read the papers tomorrow and I’m dead’ - miko

Sa mga sandaling ito ay dumating na ang ina ni Miko Palanca mula sa Amerika. Sa kuwento ng aming source na kapatid ng nagbalita kay Tita Pita Revilla tungkol sa naganap sa kanyang anak ay halos himatayin ito sa paghagulgol.

Lunes na nang may mag-indentify sa bangkay ni Miko, pero ang pagtalon niya sa rooftop ng mall sa San Juan ay naganap nu’ng Linggo nang hapon pa, kaya huli nang lumabas ang balita.

Sabi pa ng aming source, “May kaibigan kaming nagpapa-foot spa, may narinig daw silang napakalakas na pagkalabog! Nagtakbuhan daw ang staff sa labas para alamin kung ano ang nangyari.

“May lalaki raw na tumalon mula sa rooftop, kilabot na kilabot ang mga nakakita. Walang kahit sino sa kanila na nakakilala kay Miko dahil mukha niya ang napuruhan, hindi siya talaga makikilala,” kuwento ng aming source.

Ang pakikipagbalikan diumano sa kanyang girlfriend ang naging ugat nang matinding depression ni Miko. Ilang ulit niyang pinakiusapan ang babae na muli silang magkasundo pero hindi na ito pumayag.

Sabi uli ng aming source, “Lasing na lasing daw si Miko habang kinakausap ang babae, nasugatan pa nga raw siya sa kamay dahil nabasag ang bottle ng alak. Nasa bahay lang siya, mag-isang umiinom.

“Sunday nang hapon ‘yun, may nakarinig kay Miko, ‘You read the papers tomorrow and I’m dead.’ ‘Yun na nga, Sunday nang hapon, nagpunta na siya sa rooftop ng mall, tumalon na siya,” malungkot na kuwento ng aming kausap.

Nakakalungkot at nakabibiglang kuwento ng pagtatapos ng kanyang buhay ang nararamdaman ngayon ng buong showbiz.

Ipanalangin natin ang katahimikan ng kaluluwa ni Miko Palanca.

MIKO PALANCA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with