John Lloyd
John Lloyd nahanap na uli ang sarili
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - December 2, 2019 - 12:00am

Sana nga ay tapos na ang mahabang panahon ng paghahanap ni John Lloyd Cruz sa kanyang sarili. Sa mahabang panahon ng pag-iwas niya sa tutok ng mga camera ay natagpuan na sana ng magaling na aktor ang hinahanap niya.

Kahit pa maraming-marami nang nasasabik na mapanood uli siya ay nirespeto ng mga kababayan natin ang kanyang pananahimik. ‘Yung kasabihang “It’s lonely at the top” ay inintindi ng publiko.

Nu’ng minsan ay dinig na dinig namin ang naging komento ng isang aktor na matagal nang nangangarap na maging si JLC, “Ano pa kaya ang hinahanap ni Lloydie sa success na meron na siya?

“Kung ako ang bibigyan ng ganyang kapalaran, naku, hindi ko na ‘yun sasayangin! Napakasuwerte na nga niya, ‘di ba, pero meron pa pala siyang hinahanap?” sabi ng kasamahang male personality ni Lloydie.

Palaging ganu’n ang mga komentong maririnig, sinasayang daw ni JLC ang napakagandang pagkakataon at oportunidad na ibinigay sa kanya, pero hawak ba naman natin ang isip at puso ng magaling na aktor?

Sabi ng isang kaibigan naming direktor, “Marami na akong nasaksihang ganyan. ‘Yung parang merong hinahanap ang artista, kahit pa nasa kanya na ang lahat-lahat.

“Natural lang ang ganyan. Nangyayari talaga ‘yan. Pero one day, e, masosorpresa na lang tayo. Babalik din siya. Hindi niya puwedeng kalimutan ang showbiz, ang magagandang karanasan niya, ang magandang buhay na ibinigay sa kanya ng mundong nagmamahal sa kanya,” positibong pahayag ni direk.

Na totoo naman. Sa isang mundong punumpuno ng pag-asa ay palaging may nakabukas na pintuan, bintana at bubong para sa isang personalidad na meron nang napatunayan.

Laging lutang dahil sa lalaki magandang young actress dumaranas ng depression

Maraming nakakapansin na palaging malungkot at parang lutang ngayon ang isang magandang young actress. Nag-aalala ang mga nakakakita sa kanya, usung-uso pa naman ngayon ang pagsuko ng mga kabataan sa epekto ng depresyon, huwag daw sana siyang patalo sa mga nagaganap sa kanyang buhay at career ngayon.

Kilalang matapang ang young actress, lantaran niyang sinasabi ang kanyang nararamdaman, hindi niya inaalala ang sasabihin ng buong mundo kung du’n siya maligaya.

Kahit sa kanyang pakikipagrelasyon ay wala siyang iniiwanang lihim, umaamin siya sa totoong estado ng relasyon nila ng isang tisoy na young actor-singer, palagi siyang nagpapakatotoo sa kanyang sarili at sa mundo.

Nililigalig ng problema ngayon ang batang perso­nalidad, apektado siya sa paghihiwalay nila sa trabaho ng kanyang boyfriend, paghihiwalay na nakakaapekto na rin ngayon sa kanilang pagmamahalan.

Sabi ng mga dalubhasa, habang sinasabi raw ng tao na kayang-kaya niyang lampasan ang mga paghamon ay kabaligtaran ‘yun, ganu’ng-ganu’n ang palaging sinasabi ngayon ng nagmamatapang na young actress.

Kuwento ng aming source, “Walang matapang sa pag-atake ng depression. One-track mind ang nakakaranas ng ganu’n. Kung ano ang maisipan niya, e, gagawin niya, kaya ang kailangan ngayon ng girl, e, matinding support group.

“Kailangan niya palagi ng kausap, ng mga taong magbibigay ng positive thinking sa kanya, kailangang malihis ang takbo ng isip niya sa negatibo. Kailangan niyang maging busy para hindi siya nakatuon sa part ng buhay niya na malungkot,” payo ng ­aming impormante.

Maraming nagagalit sa kanyang karelasyon, maramot daw ang lalaki, wala itong iniisip kundi ang kanyang pansariling kapakanan lang.

Iniwan daw ng bagets actor ang kanyang girlfriend nang nakanganga, umaasa, mag-isa lang daw siyang lumalangoy ngayon sa problema.

Isang source naman ang nagkomento, ang sabi nito, “Mapagpaniwala kasi ang lalaking ‘yun sa mga sabi-sabi. Di nga ba, sa relasyon nila ng girl, e, ang babae lang ang palaging nagtatanggol sa kanya?

“Bahag ang buntot ng guy, mas matapang pa kesa sa kanya ang girl, kaya itong nangyayaring ito sa young actress? Kayang-kaya niyang lampasan ‘yan, nasa kanya pa rin ang huling halakhak!

“Makita n’yo, biglang mababaligtad ang ikot ng mundo isang araw, survivor ang girl! Walang dapat mag-alala sa situation niya ngayon!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

 

DEPRESSION JOHN LLOYD YOUNG ACTRESS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with