Aktres na nagbebenta ng mga kagamitan, naiinip na ang kinauutangan!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - November 13, 2019 - 12:00am

Usong-uso ngayon ang pagsusubasta ng mga branded na kagamitan ng mga kilalang personalidad. Ang kanilang katwiran, hindi naman nila ‘yun nagagamit, kaya mas magandang pakinabangan na lang nila ang pagbebentahan.

Hindi nila ipino-post sa social media ang pagbebenta, sigurado kasing paglalaruan sila, kaya ang bentahan ay idinadaan na lang sa pagtawag, sa text at sa pagbabalitaan ng mga artista.

May isang dating malakas kumitang female personality na nagsusubasta na ng kanyang mga mamaha­ling kagamitan. Bags, sapatos, mga branded na relo at kung anu-ano pa ang kanyang ibinebenta.

Pero may kuwento tungkol sa kanyang mga branded stuff, kuwento ng isang source, “Parang lumang-luma na, hindi niya naalagaan, kaya maraming bitak-bitak ang mga branded bags. Hindi man lang niya nilagyan ng mga palamang papel ang mga bags, kaya parang nilumaan na ng panahon.”

Pero may isa pang kilalang female personality na nagbebenta na rin ng kanyang mga nabiling branded stuff. Kailangan na raw kasi, wala siyang anumang ginagawang proyekto pero kailangan niyang mabuhay at buhayin ang kanyang mga anak, kaya gagawin niya na lang na pera ang mga mamahalin niyang kagamitan.

Kuwento ng isang impormante, “Mas maayos ang mga ibenebenta niyang branded stuff, mukhang naiayos niya ng mabuti. Pero ang mga alalay pala niya ang gumawa nu’n at hindi siya.

“Hindi rin kasi matiyaga ang babaeng ‘yun, kalat ang utak, mabuti na lang at may mga PA siya na nag-aasikaso ng mga kagamitan niya. Need na niyang magbenta, wala naman kasi siyang source of income ngayon.

“Mabuti nga at nagkasundo na sila ng ex niya, ‘yung male personality na ang nagpapaaral sa mga anak nila. Pero kailangan niya pa ring magsubasta ng mga branded stuff niya dahil malakas siyang gumastos.

“Meron naman siyang naaasahan ngayon, ang isang kadugo niya na sumusuporta sa kanya, pero ang tanong, hanggang kailan ‘yun?

“Magkakampi sila ngayon, pero paano na kapag silang dalawa naman ang nag-away, di wala na siyang maaasahang bundle of joy? Ganu’n naman sila, di ba?

“Minsan, kakampi niya ang benefactor niya ngayon, pero biglang after a while, kalaban na niya! Ganu’n siya, rolling stone, kung saan-saan siya kumakampi!

“Kung puwede nga namang perahin na lang ang mga naipundar niya, e, mas maganda! Marami na rin kasing naniningil sa kanya, kailangan niya nang magbayad, naiinip na ang mga pinagkakautangan niya!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Morissette binansagang ‘Untog Queen’

Mahaba ang post ni Morissette Amon. Kung saan-saan muna nagpunta ang kanyang kuwento hanggang sa dumating sa panghihingi niya ng dispensa kay Jobert Sucaldito na producer ng concert na basta na lang niya tinuwaran nang walang sabi-sabi.

Tinanggap naman ni Jobert ang kanyang paliwanag pero hindi ng mga kababayan nating talagang isinuka ang pagwo-walkout niya sa concert. Kawalan ng propersyonalismo! ‘Yun ang sigaw ng mga kumokontra sa ginawa niyang basta na lang paglayas sa venue ng palabas.

Nagpalipas muna nang ilang araw si Morissette bago siya nauntog sa katotohanan na maling-mali ang kanyang inasal. Untog Queen na nga ang tawag sa kanya ngayon sa social media.

Siguro raw ay napraning na si Mori sa mga komentong naglalabasan, negang-nega ang kanyang imahe, kung anu-anong kuwento tungkol sa kanila ng kanyang boyfriend ang nauungkat.

Sana raw ay tularan ni Morissette ang magaling ding singer na si Jona Viray na nakagat ng aso bago ang tinanguan nitong show. Tinapos muna ng professional singer ang kanyang show bago ito nagpunta sa ospital para magpa-injection ng anti-rabies.

Mahihirapan nang mabura na kakambal ng pangalan ni Morissette Amon ang pagiging Walkout Queen. May Untog Queen pa siyang titulo ngayon dahil sa pag-uumpog niya ng kanyang ulo sa dingding dahil kuno sa interbyu ni Mario Dumaual.

At nakakaloka. Mahilig pa naman ang mga Pinoy bashers sa pagbibigay ng pakahulugan sa mga titulong ibinibigay sa mga artista at singers.

The Phoenix daw ang titulong hawak ngayon ni Morissette Amon bilang singer. Pero ang kanyang title ay binago na ng mga bashers, ginawa nang The Finish ‘yun, dahil sa maagang paglaki ng kanyang ulo.

Isang maling hakbang lang ang kanyang ginawa, pero napakalawak ng nagawang epekto sa kanyang career, may leksiyon sanang napulot ang singer na ito sa kanyang pinagdaanan.

MORISSETTE AMON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with