Ara naalala ang away kay Cristine sa mga Barretto
SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula (Pilipino Star Ngayon) - October 23, 2019 - 12:00am

Tungkol pa rin sa isyung awayan ng Barretto sisters ang mainit na pinag-usapan hanggang sa premiere night ng pelikulang Unforgettable ni Sarah Geronimo na ginanap sa Cinema 1 ng SM Megamall nung nakaraang Lunes.

Kasama si Ara Mina sa pelikulang ito na kung saan gumaganap siyang ate ni Sarah. Bago namin napag-usapan ang tungkol sa pelikula, hiningan namin ng reaksyon si Ara tungkol sa maingay na awayan ng magkakapatid na Gretchen, Marjorie at Claudine Barretto na sinalihan pa ng pamangkin nilang si Nicole.

Matagal-tagal ding pinagpiyestahan ng media ang away noon ng magkapatid na Ara at Cristine Reyes, kaya parang bumalik daw sa kanya ang di magandang alaalang ito nang nabalitaan niya ang tungkol sa Barretto sisters. “Nakaka-sad, kasi parang nag-flashback pa sa akin yung sa amin ni Cristine.Kamuntik ko nang dinemanda yun eh,” pakli ni Ara nang nakatsikahan namin pagkatapos naming mapanood ang Unforgettable.

Ayaw naman ni Ara na magbigay ng komento o payo sa Barretto sisters dahil hindi naman daw niya alam kung anong pinanggalingan ng gulong ito.  “I’ll pray na lang na matapos na yung isyu nila na…pero in the end kasi magkakapatid pa rin sila, magkadugo pa rin. Kasi ganundin yung pakiramdam ko na akala ko hindi na kami magkakabati ng kapatid ko. Tapos si Cristine, humingi ng tawad sa akin.

“Pero siyempre, yung paghingi niya ng tawad hindi  na naka-televise yun,” kuwento ng aktres.

Napangiti si Ara nang sinabi ko sa kanya na parang eksena rin dito sa Unforgettable nang mag-sorry sa kanya ni Sarah.

Ginagampanan kasi dito ni Ara ang role bilang ate si Sarah na isang autistic.

Nasa spectrum ng autism ang karakter na ginagampan dito ni Sarah na kung saan napaka-retentive ng memory, napaka-totoong sumagot, kaya lang hindi marunong mag-sorry.

Iyun ang tinuturo sa kanya ng lola niyang gina­gampanan ni Gina Pareño na dapat matuto siyang humingi ng sorry.

Pero sa isang mahalagang eksena sa pelikula, napa-sorry na si Sarah kay Ara.

Touching ang eksenang iyun na nagkakaiyakan silang magkakapatid kasama si Meg Imperial.

Humugot nga raw siya sa nangyari sa kanila ni Cristine nang ginawa raw niya ang eksenang iyun.  

Magaling si Ara sa pelikulang ito na natutuwa siyang nakapagtrabaho na rin sila finally ni Sarah.

Pero ang talagang revelation sa pelikulang ito ay si Sarah na agree ako sa sinasabi nilang aktres na aktres siya rito sa Unforgettable.

Gusto raw niya talagang makagawa ng ganitong pelikula na wala siyang love interest dito, kundi isang napaka-cute na asong si Milo bilang si Happy.

“Part po kasi ito sa bucket list ko bilang aktres na makagawa ng isang dog movie. So, ito na nga po,” napapangiting pahayag ni Sarah.

 Mapapanood na ngayong araw ang Unforgettable na sinulat at dinirek ni Jun Lana.

ARA MINA SARAH GERONIMO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with