Regine & Sharon
Sharon at Regine napaluhod sa isa’t isa sa iconic concert
SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula (Pilipino Star Ngayon) - October 20, 2019 - 12:00am

Napanood namin ang unang gabi ng Iconic concert nina Sharon Cuneta at Regine Velasquez na ginanap sa Araneta Coliseum nung nakaraang Biyernes, October 18.

Napaka-successful nito na kung saan sold-out ang dalawang gabing concert at kitang-kita naman naming nag-enjoy ang lahat na nanood.

Kahit P11,000 plus ang halaga ng pinakamahal na ticket sa Platinum seats, sulit na sulit pa rin ang halaga ng ticket na binili nila.

Maganda ang show na parang tribute kay Sharon ang konsepto na kuwento ng isang fan sa kanyang iniidolong star.

Pareho silang emotional nung gabing iyun, lalo na si Sharon na sa opening number pa lang nila kung saan kinanta ang Pangarap na Bituin, naluluha na agad ang Megastar.

Hanggang sa mga susunod nilang kanta, lalo siyang naiyak nang kinanta pa ang mga una niyang mga na-record gaya ng Mr. DJ, High School Life, To Love Again, Kailangan Ko’y Ikaw at marami pang awiting nagkaroon ng malaking bahagi sa buhay niya. Lalo tuloy siyang sinisipon sa kaiiyak niya.

Ang ganda ng areglo sa mga kanta, gaya ng Sinasamba Kita ni Regine, Buwan ni Sharon, lalo na ang mash-up nilang Narito Ako at Sana’y Wala Nang Wakas. Bonggang-bongga!

In fairness kay Sharon nakakahataw pa siya ng sayaw, hindi siya lumubog sa sobrang taas ng mga birit ni Regine na nakondisyon nang husto.

Bago sila nagpaalam, lumuhod si Regine kay Sharon sa sobrang pagsamba niya sa Megastar, at sinuklian din ito ni Sharon ng luhod kay Songbird.

Sana, magkaroon pa ng repeat ang Iconic concert. Kasi, sa mga sinasabi ni Sharon, parang purisigido na siya sa semi-retirement at pinapaalala pa niya sa fans na sana, huwag siyang kalimutan.

Ilan sa celebrities na nanonood nung Biyernes ay sina Robin Padilla na tinitilian tuwing lumalabas siya sa wide screen, Gary Valenciano, Vice Ganda, Anne Curtis, Ara Mina, Erik Santos, Angeline Quinto, at siyempre, mga proud husband na sina Ogie Alcasid at Sen. Kiko Pangilinan.

Juday paghahandaan ang buhay ni Mother Lily

Magiging abala na si Judy Ann Santos sa promo ng Mindanao na kalahok sa Metro Manila Film Festival.

Pero kailangan na rin niyang paghandaan ang isa sa malaking challenge sa kanyang acting career, si Mother Lily Monteverde sa gagawing biopic ng Regal matriarch na ipu-produce ng Reality Entertainment at ididirek ni direk Erik Matti.

Nakatsikahan namin si Mother Lily nang dumalo siya sa World Pandesal Day nung Miyerkules, October 16 na ipinagdiwang sa Kamuning Bakery Cafe ng kaibigan naming si Wilson Flores.

Mahigit 70 thousand na pandesal ang ipinamahagi nina Wilson kasama si Mother Lily at mga kilalang politicians na sina Sens. Cynthia Villar at Risa Hontiveros, Mayor Joy Belmonte at Mayor Isko Moreno.

Pero natutuwa si Mother Lily sa tradisyon ni Wilson na nami­migay ng pandesal tuwing World Pandesal Day. Naging tradisyon na ito ng KBC kahit na-damage ito nang husto ng sunog nung nakaraang taon.

Ayaw namang putulin ito ni Wilson, at bahagi na rin ng month-long celebration ng Pandesal month, may medical, dental at optical mission sila sa Que­zon City na naka-schedule sa October 27.

Siyanga pala, wala pa pala silang nahanap na leading man ni Judy Ann na gaganapin bilang Father Remy Monteverde. Hindi pa raw sure si Cong. Vilma Santos kung gaganap bilang Mother Lily pagkatapos ng parte ni Judy Ann.

REGINE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with