Aktor peke ang pagpapaka-bayani!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - October 14, 2019 - 12:00am

Meron na palang nadagdag sa listahan ng mga personalidad na may zipper ang wallet at bulsa sa paglalabas ng pera. Puro halakhakan ang maririnig sa paligid habang inililitanya ng mga impormante kung gaano kakuripot ng isang sikat na male personality.

Sa biglang tingin ay parang napaka-generous niya, may mga tinutulungan kasi siyang mga kababayan natin sa malalayong probinsiya, nagbibigay rin siya ng trabaho para sa maraming artista.

Pero kinokontra ‘yun ng mga impormanteng nakakakilala sa kanya, ang mga ito ang nakakaalam ng tunay na nagaganap, kaya meron silang mga litanya.

Sabi ng isang miron sa umpukan, “Kung tumutulong man siya, e, hindi naman ‘yun nanggagaling sa sarili niyang bulsa! Hindi siya gumagastos, nanggagaling ‘yun sa network na pinagtatrabahuhan niya!

“Jusko! Magpapamisa kami kapag naglabas ng sarili niyang pera ang taong ‘yun! Napakakuring niya! Sobrang kuripot ng taong ‘yun!

“Palibhasa, e, galing siya sa hirap, kapos na kapos sila sa buhay, kaya nu’ng dumating ang pagkakataong kumikita na siya nang milyones, e, talagang nagsarado na ang mga palad niya!” napapailing na kuwento ng source.

Sa tagal na ng panahong nakakatrabaho siya ng mara­ming personalidad ay walang matandaan ang mga ito na kahit minsan ay inilibre sila ng sikat na male personality.

Sabi naman ng isang nandu’n sa malaking umpukan, “In fairness, meron namang chance na ginagawa niya ang mga ganu’n. Kaya lang, e, puro ex-deal lang ‘yun, padala ng mga ahensiyang iginawa niya ng endorsement ang produkto!

“Hindi pa rin siya naglalabas ng datung, padala lang ‘yun ng mga kumpanyang iginawa niya ng TVC, ‘yun ang totoo! Never siyang magpapakain na siya mismo ang maglalabas ng perang pambili ng food!

“Kahit sa mga kamag-anak nila, e, ganu’n din siya! Hindi siya generous! Ang katwiran siguro niya, e, siya ang nagpapakamatay sa pagtatrabaho, kaya dapat, e, siya lang ang makinabang sa kung anumang meron siya ngayon.

“Malayung-malayo ang image niya sa ginagaya niyang personality! Kilometriko ang pagkakaiba nila, puwede ba? ‘Yung ginagaya niya, e, totoong generous, hindi tulad niya na pakitang-tao lang!

“Stop us (read: tigilan kami)! Tantanan na niya ang pagpapakabayani, hindi bagay ‘yun sa kanya dahil walang butas ang mga palad niya!” madiing pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Ilusyon ng ibang AlDub nakakatakot na!

Totoo palang may mga fans na nabubuhay sa ilusyon. Nu’ng una, akala namin ay gawa-gawa lang ang mga kuwento na may mga tagahangang mahilig gumawa ng mga istoryang wala namang katotohanan, pero totoo pala ‘yun.

Nakapagbubuo sila ng senaryong parang tunay na naganap, daig pa nga nila ang mga manunulat ng pocket books, dahil detalyado pa ang pagkakabalangkas nila ng mga kuwento.

Nakakalungkot ang ganu’n. Kapag kasi patuloy na nilang pinaniniwalaan ang mga gawa-gawa nilang kuwento ay meron nang mali sa kanila. Kailangan na nila ng professional help para mapigilan ang kanilang mga ilusyon.

Buhay na buhay sina Alden Richards at Maine Mendoza, alam nila ang katotohanan na never silang nagkaroon ng anak, pero may grupong nagpapatunay na nanganak daw ang Dubsmash Queen na si Alden ang ama.

Kailan? Saan? Paano ‘yun naganap? Ganu’n ang tanong ng bayan. Pero talagang matigas ang paninindigan ng grupong ‘yun, may anak daw sina Alden at Maine, itinatago lang daw nila ang katotohanan para hindi masira ang kanilang loveteam.

May kuwento pang sinundo raw ng Pambansang Bae si Menggay sa last shooting day nila ni Carlo Aquino, marami raw nakakita nu’n, samantalang wala namang nangyaring ganu’n at alam ni Alden kung nasaan siya nu’ng mga panahong ‘yun!

Nakakaalarma ang ganito. Pinalalabas nilang totoong-totoo ang isang pangyayaring hindi naman nagaganap. Tama ang ama ni Alden, fiction at fake news ang pinalalabas ng mga taong ‘yun, isang malinaw pa sa sikat ng araw sa tanghaling-tapat na ilusyon!

ALDEN RICHARDS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with