Kylie at Maxine nagkaayos na pagkatapos ng duraan
SHOW-MY - Salve Asis (Pilipino Star Ngayon) - September 19, 2019 - 12:00am

Huling dalawang linggo na ng Los Bastardos at haharapin na ng magkakapatid na Cardinal ang pinakamalaking laban ng kanilang buhay—ang puksain ang kasamaan ni Catalina (Jean Saburit) gamit ang pagmamahal sa pamilya, pag-ibig, at katapangan.

Mananatili pa rin ang pag-asa sa puso nina Isagani (Jake Cuenca), Lorenzo (Joseph Marco) at Lucas (Albie Casiño) na mahahanap nila si Connor (Joshua Colet) at muling mababawi si Matteo (Marco Gumabao) mula sa kamay ng mga kalaban ngayong isa-isa nang napapabagsak ang mga tauhan ni Catalina, dahilan para humina ang kanyang masasamang balak.

Ngunit sa likas niyang pagiging tuso, makakahanap si Catalina ng paraan na tirahin ang kahinaan ng magkakapatid na Cardinal—ang mga babaeng kanilang minamahal—na maglalagay sa kanila sa bingit ng kamatayan.

Tuluyan pa nga bang makumpleto ang pamilya Cardinal?

Sa loob ng halos isang taon, kinapitan ang kwento ng Los Bastardos na nagpapakita ng matibay na samahan ng pamilya sa kabila ng mga problemang hinaharap. Kinapulutan ng aral ang pagmamahalan nina Don Roman (Ronaldo Valdez) at Soledad (Gloria Diaz) na parehong hindi sumuko sa kanilang walang kapantay na pagmamahalan kahit paulit-ulit silang sinubok ng tadhana.

Ang kanilang katatagan ang siya ring naging inspirasyon ng kanilang mga anak upang hindi sumuko sa hamon ng buhay. Mahirap man sa umpisa, namayani pa rin sa puso nina Isagani, Lorenzo, Lucas, at Connor ang pagiging magkapatid. Kahit pa napalayo sa kanila si Matteo, nananatili pa rin ang kagustuhan nilang maitama ang lahat ng pagkakamali nito.

Kinakiligan din ang serye sa matamis na pagmamahal na dala ng mga minamahal nilang sina Isay (Maxine Medina), Dianne (Ritz Azul), Coralyn (Mary Joy Apostol), at Lupita (Mica Javier) na sinamahan sila sa lahat ng laban kahit pa malagay sila sa kapahamakan.

 Mula Oktubre 2018, tinutukan ng mga mano­nood ang serye at nagkamit ito ng all-time high national TV rating na 20.3%, ayon sa datos ng Kantar Media. Pinag-usapan din ito online at nanguna sa trending topics at nakalikom ng libu-libong views sa YouTube at iWant.

Pero mas tinutukan pa ito nang magkaroon ng isyu ng duraan nina Maxine at Kylie Versoza na isa sa mga kontrabida ng magtatapos na serye.

Ano nga ba ang totoong kuwento sa nasabing duraan?

Ayon kay Kylie, nadala lang siya sa mga eksena matapos ang mga matitinding eksenang ginawa niya bilang kontrabida.

 “Nagkaroon kami ng eksena ni Maxine. Napalakas po ang eksena ko, super heightened ang emotions so napalakas.

“Nakaposas po ako, dalawang ang pulis ang nakahawak sa akin.

“So napalakas talaga, nadala talaga sa eksena. Nag-sorry naman ako right after. Kasi hindi na talaga ako ‘yun,” paliwanag ni Kylie kahapon sa finale presscon for Los Bastardos.

“Nag-switch kasi from bida to kontrabida, first time actor po ako, so talagang grabe po ang naging emotion, nakaka-challenge. Hindi mo naman maiiwasan na may nasasaktan. Ako nga po ang dami kong pasa-pasa,” dagdag paliwanag ng beauty queen turned actress sa kontrobersiyal na pandudura niya sa kapwa beauty queen na kaeksena that time na si Maxine.

Itinanggi rin niyang nagselos siya sa mga eksena nina Maxine at ng boyfriend niyang si Jake Cuenca kaya tinotoo niya ang eksena nila. “Kami rin naman po ni Jake maraming bed scene,” sagot nito na ikinatawa ng marami.

Ayon naman kay Maxine, after four days naman ay nag-sorry si Kylie kaya ok na sila.

LOS BASTARDOS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with