Binugaw ang female co-host, aktor-TV host winalanghiya ng kaibigang car dealer
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - September 19, 2019 - 12:00am

Isang malalim na pagkakaibigan na naman ang nawasak nang dahil sa kawalan ng katapatan. Matagal nang magkaibigan ang isang sikat na aktor-TV host at ang isang car dealer.

Halos lahat ng magagarang sasakyan ng pamosong TV host ay binibili niya sa kaibigan niyang car dealer. Madalas silang magkasama, kapatid na ang turing ng male personality sa kanyang pinagbibilhan ng mga sasakyan, pinagkatiwalaan niya ito nang mahigit pa sa isandaang porsiyento.

Pero ngayon ay nagsaulian na sila ng kandila bilang magkaibigan. May isang senaryong nakara­ting sa aktor-TV host kung saan sangkot ang isang female personality.

Nu’ng nakaraang taon, lingid sa kaalaman ng aktor-TV host, ay inirereto pala ng car dealer ang babaeng personalidad sa mga kaibigan nito.

Ilang beses na naganap ang pagiging Boogie Wonderland ng kaibigan ng aktor-TV host, sinamantala nito ang kahinaan at matinding pangangailangan ng babae, pero nang magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ay inilabas ng lalaki ang mga retrato ng female personality na kaulayaw ang inireto nitong lalaki.

Ayon sa aming source ay nakikipag-usap na ngayon ang female personality sa kanyang mga abogado para mabalangkas ang mga detalye sa plano nitong pagdedemanda.

“Pinaiinom siya, kapag nakainom na, du’n na nangyayari ang lahat-lahat,” ayon pa sa aming impormante.

Napakasakit para sa aktor-TV host ng naganap. Ang female perso­nality ay hindi na iba sa kanya. Co-host niya ito sa kanyang matagumpay na game show.

“Imagine, halos araw-araw silang magkasama, pero meron na palang nangyayaring milagro na walang kaalam-alam ‘yung TV host?

“Ang kabilin-bilinan pala kasi nu’ng car dealer sa girl, e, huwag na huwag niyang sasabihin ang kanilang mga lakad sa male personality,” dagdag na impormasyon pa ng aming source.

Sayang na pagkakaibigan. Sayang na samahan na bumilang na nang maraming taon. Tinuldukan na ng aktor-TV host ang pagkakaibigan nila ng car dealer.

Ubos!

Bea at Julia, hindi pinairal ang kamalditahan nang magsama sa isang lugar

Napakaraming nag-abang sa pagtatagpo nina Bea Alonzo at Julia Barretto sa ABS-CBN Ball. Natural lang na marami ring naghintay sa pagkikita ng dalawang aktres at ng lalaking naging dahilan ng kontrobersiya sa kanilang pagitan.

Pero nabigo ang mga bampirang naghihintay ng dugo. Walang naganap. Nagkita man sina Bea at Julia ay sa malayuan lang. Hindi rin nakita si Gerald Anderson na katabi si Julia.

Sakali mang nagkaroon ng pagkakataon na magtagpo ang dalawang aktres ay siguradong wala pa ring magaganap na away. Maaa­ring may tensiyon, pero parehong edukada sina Bea at Julia, hindi sila magpapadala sa negatibong emosyon.

Magaganda na sila, pero mas maganda sila nu’ng gabing ‘yun sa kanilang kasuotang Filipiniana, hindi nila sasayangin ang ginawa nilang preparasyon sa pagdalo para lang mag-away.

Sabi nga ni prop, “Naku, napakaguwapo ni Gerald Anderson kung mang­yayari ‘yun! Napaka-blessed niya naman para pag-awayan ng dalawang magagandang dalaga!

“Huwag naman sana nilang menosin sina Bea at Julia, alam nila ang kanilang lugar, alam nila kung paano matatapos ang gabi nang walang tensiyon sa kanilang dalawa!” madiing komento ni propesor.

Napakaganda nga naman ng mga babaeng nauugnay kay Gerald, may kani-kanyang kata­ngian sila na kapuri-puri, wala kang itulak-kabigin sa kagandahan nina Bea at Julia.

May isyung lumutang na inirapan daw ni Bea si Julia, pero mismong mga kasamahan nilang artista ang nagsasabing walang ganu’ng naganap, dahil napakalayo nila sa isa’t isa para magkairapan.

Sabihin na nating pareho lang na may kamalditahan ang dalawang aktres, pero hindi sila magpapalutang ng hindi magandang ugali sa isang mala­king pagtitipon na imbitado lang sila, siyempre’y rerespetuhin nila ang okasyon na may hangaring makatulong sa mga batang gustong makapag-aral pero walang kakayahan ang pamilya.

BEA ALONZO JULIA BARRETTO
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with