Singer-actress relate much sa pinagdaraanan ng singer na pasan ang pamilya na mukhang pera!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - August 23, 2019 - 12:00am

May nakakuwentuhan kaming source na nagparating sa amin ng impormasyon na problemado rin pala ang isang pamosong singer-actress sa kanyang magulang.

Alam niya ang pakiramdam ngayon ng isang kilalang female singer na matagal nang tumatayong padre de pamilya pero ang mismong ama pa nito ngayon ang nagpo-post sa social media ng mga kapintasan ng anak nito.

Tahimik lang ang female singer na alam na alam ng kahit mga uhuging bata ang mga pinasikat na kanta, ayaw lang niyang magsalita bilang respeto sa kanyang ina, pero iniiyakan niya palagi ang mga karanasang pinagdadaanan niya.

Kuwento ng aming source, “Ganu’ng-ganu’n din ang pinagdadaanang problema ni ____(pangalan ng female singer na sikat ang mga piyesa). Ginawa na niya ang lahat-lahat, siya na nga ang tumayong ama sa family nila, pero sa kabila nu’n, e, siya pa ang pinalalabas na masama ng mommy niya!

“Napakasakit nu’n para sa isang tulad niya na halos magpakamatay na nga sa pagtatrabaho, araw-gabi na nga siyang kumakanta para mabigyan ng magandang buhay ang family niya, pagkatapos, e, siya pa ang pinalalabas na walanghiya ng mommy niya!

“Sabi nga niya, e, pintasan na siya ng buong mundo at kaya niyang tanggapin, pero mula sa mismong mommy niya? Napakasakit naman talaga nu’n!” unang kuwento ng aming impormante.

Nag-ugat ang problema sa pera. May sariling pamilya na kasi ngayon ang female singer. Natural lang na kung ano ang tinatanggap ng kanyang pamilya nu’ng wala pa siyang asawa at anak ay iba na sa dating tinatanggap ng kanyang ina at mga kapatid.

Patuloy ng aming impormante, “Mismo! Hindi matanggap ng mommy niya na nabawasan na ang rasyon sa kanila nu’ng singer! May mga kapatid siyang nagmamalabis, may mga bisyo, pati ba naman ‘yun, e, pananagutan pa rin niya?

“Galit na galit ang mommy niya! Nagbago na raw siya, yumabang na raw siya, porke sikat na siya! Aysus! Ibang klase rin naman ang mommy niya at mga kapatid niya na kalalakas ang katawan at puwede namang magtrabaho, pero nakadepende na lang sa kanya!

“Mabait lang talaga ‘yung female singer dahil sinasarili niya na lang ang ganu’n katinding problema niya. Hindi na siya sumasagot, tanggap na lang siya nang tanggap sa masasakit na salita ng mommy at mga kapatid niya!

“Naku, ako man siguro ang nasa katayuan niya, e, maiisip ko rin na parang hindi ko yata kaya ang mga nangyayari! Ginawa mo na ang lahat, pero sasaktan lang pala naman ang puso mo?” parang kumakanta pang pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Planong pagpapalaya kay Sanchez iniiyakan, pamilya ni Eileen ‘di makapaniwala

Umaambon kahapon nang umaga habang sinusulat namin ang kolum na ito. Pero mas malakas pa yata sa ambon sa labas ang pagluha namin habang pinanonood ang panayam kay Mrs. Clara Sarmenta, ang ina ng hinalay at pinatay na si Eileen, pati ang kasintahan nitong si Allan Gomez.

Lumabas ang balita na kasama sa mga bilanggong palalayain si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez, ang pinakaulo sa kasong rape at homicide kung saan pinatawan ng parusang reclusion perpetua ang da­ting mayor, pitong counts ‘yun na may tig-aapatnapung taon na ang pinakasuma ay 280 years.

Masakit ang paghikbi ng naulilang ina ni Eileen Sarmenta, sinabi niya na ang batas ay batas na hindi maaaring baliin, pero bakit sa kanyang pakiramdam ay mas pabor pa ang ating justice system sa mga kriminal kesa sa mga biktima?

Napakatindi naman kasi ng naganap sa kanyang anak na napatunayan nila sa hukuman. Pagkatapos halayin ni dating Mayor Sanchez ang dalaga ay ipinagpasa-pasa pa sa kanyang mga tauhan, saka pinatay si Eileen at si Allan Gomez.

Ang basehan daw ng pagpapalaya sa buhong na mayor ay ang maganda nitong ipinakita habang nasa bilangguan. Kabutihan ba ang mahulihan ito ng lahat ng karangyaan habang nakapiit? Malala­king TV, may sarili pa itong spa sa bilangguan, ‘yun ba ang mabuting ehemplong pagbabasihan ngayon para ito palayain?

Pitong kaso na may sentensiyang tig-aapatnapung taon ang parusa sa pulitiko, du’n na dapat ito mabubulok sa kulungan, pero pagkatapos lang nang mahigit na dalawang dekada ay palalayain na?

Umiiyak na sinabi ni Mrs. Clara Sarmenta na sugat na walang paggaling ang pagkawala ng kanyang anak, mula nu’ng taong 1995 hanggang ngayon ay hinahanap-hanap pa rin niya ang amoy at pagyakap ni Eileen sa kanyang bewang habang nagluluto siya, milagro man ay hindi na ‘yun maibabalik pa sa kanya bilang ina.

Nagdeklara ang mga tagapamuno ng Pambansang Bilangguan na rerebyuhin pa raw muna ang mga dokumentong nagdidiin kay dating Mayor Sanchez, kumambiyo ang mga ito nang mag-alsahan ang mga senador at ang ating mga kababayan, hindi pa raw pinal ang paglaya ng akusadong dating mayor.

Na dapat at nararapat lang!

ANTONIO SANCHEZ CLARA SARMENTA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with