Aktres na kilala, maganda at kontrobersiyal parang sabungero kung manigarilyo
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - August 20, 2019 - 12:00am

Manok na panabong na lang daw ang kulang sa isang kilala-maganda-kontrobersiyal at magaling umarteng aktres dahil sa lakas niyang magpausok. Malakas siyang magyosi.

Nag-aalala ang kanyang mga kaibigan at katrabaho dahil baka maaga siyang magkasakit dahil sa kanyang bisyo. Biruan nga ng mga ito ay kabog niya ang sabungerong may hawak na manok sa lakas niyang magyosi.

Kuwento ng isang source, “Bata pa siya, e, malakas na talaga siyang magsigarilyo. Ang dahilan niya, e, ‘yun daw ang nag-aalis ng kanyang stress sa maghapong pagtatrabaho lalo na kung magda­magan ang kanyang shooting o taping.

“Nu’ng minsan ngang on location sila, e, nawalan siya ng stock ng sigarilyo. Malayo sila sa kabihasnan, napakalayo ng bibilhan ng brand ng yosi niya.

“Grabe, hirap na hirap siya! Hindi halos siya makapagtrabaho nang maayos, kasi nga, in between takes, e, nagsisindi siya ng pampaalis ng kanyang stress.

“Ang ginawa niya, e, kumausap siya ng isang bangkero, nakiusap siyang ibili ng kanyang brand, binayaran niya ang biyahe ng bangka. Ay, katuwa ng hitad sa pagkakita sa bangkerong dala-dala ang isang supot na ang laman, e, limang kaha ng brand niyang yosi!

“At mukhang totoo nga ang sinasabi niya na pampaalis ‘yun ng stress niya. Pagkatapos niyang magyosi, e, maayos na ang lahat, take one na ang girl, hindi na kasi siya aligaga dahil sa kawalan niya ng yosi!” pagpapatotoo ng isang impormante.

Pero kuwento naman ng isang source ay siya ang nagyoyosing maingat sa kanyang hygiene. Iniingatan din niya ang mga taong nakapaligid sa kanya habang hitit nang hitit at buga nang buga.

Ayon sa impormante, “Malinis siya sa katawan, palagi siyang may nakahandang pang-spray. Meron siyang cologne para sa katawan niya at mouth spray na rin para mawala ang amoy ng yosi sa bibig niya.

“Wala siyang inaabalang kahit sino, lumalayo siya sa marami kapag nagyoyosi siya, maingat siya sa mga second hand smokers. Saka wala siyang kaamuy-amoy!

“Mas mabango pa nga siya sa mga hindi nagsisigarilyo, sa totoo lang! Alam niya ang dapat gawin, hindi mo maaamoy ang tabako sa katawan niya!

“Biro nga niya, e, mawawalan ng isang gulong ang van niya, pero siguradong dala-dala niya ang mahiwagang box ng yosi niya! Pero nu’ng nasa location sila, e, ‘yun ang hindi niya natantiya, mas marami pala dapat ang dinala niya dahil nagtagal sila sa isla,” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Maganda ang aktres na ito, mala-anghel ang kanyang ganda, palaban ang babaeng ito lalo na sa usapin ng pag-ibig.

Ubos!

Morissette malalim ang hugot sa pamilya

Kaya naman pala ganu’n kagaling kumanta si Morissette Amon na bigay na bigay ang emosyon ay dahil napakalalim ng kanyang pinaghuhugutan. Siya ang unang female singer na narinig naming kumanta ng “Versace On The Floor.”

Ang ganda-ganda ng boses ni Morissette, abot na abot niya kahit ang pinakamatataas na tono na parang effortless lang siya, puso ng dalaga ang kumakanta at hindi basta bibig lang niya.

Ilang buwan na siyang hindi umuuwi sa kanilang bahay, magkakontra sila ng kanyang ama na ipino-post pa ang kanilang mga problema at hindi na lang nila pag-usapan nang sila-sila lang, nakatinda tuloy sa social media ang hindi nila pagkakasundo.

Kontrang-kontra ang kanyang ama kay Dave Lamar, ang musikerong boyfriend ng magaling na singer, nasa wastong edad na siya para makipagrelasyon pero kung bakit galit na galit ang kanyang tatay.

Hindi totoong nakikipag-live-in na si Morissette sa kanyang boyfriend, nasa pangangalaga siya ng kanyang manager, walang katotohanan ang kuwentong lumabas na ipinagpalit niya ang kanyang pamilya kay Dave Lamar.

Hindi rin totoong pinabayaan na lang ni Morissette ang kanyang pamilya, lahat ng naiipon niya ay naiwan sa mga ito, ipinagpatayo pa niya ng bahay ang kanyang pamilya.

Nakakalungkot lang ang kuwento tungkol sa mga personalidad na kumikita na nang malaki. Sa kanila na lang umaasa ang kanilang mga pamilya. Wala namang masama sa ganu’n pero sana’y kumikilos din ang kanilang mga mahal sa buhay para magkatulung-tulong sila.

?Mabigat na responsibilidad ang ganu’n para sa anak, lalo na’t hindi naman siya ang padre de pamilya na dapat gumanap sa tungkulin, nababagot ang personalidad sa ganu’n na nauuwi sa pagsasarili na lang sa buhay.

MORISSETTE AMON
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with