Aktres na lumundag ng ibang network, walang milagrong naganap sa career
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - July 31, 2019 - 12:00am

Maraming nanghihina­yang sa parang nabantilawang career ng isang kilalang female personality na lumundag ng bakod sa kabilang istasyon.

Maayos naman ang kanyang career sa network na pinanggalingan niya, nabibigyan siya ng magagandang proyekto, pero mukhang nainip ang female personality.

May kumausap sa kanya na sa kabilang istasyon ay mas magniningning ang kanyang pangalan, mas matutupad ang kanyang mga pangarap, kaya lumundag nga siya sa kabilang bakod.

Kuwento ng aming source, “Nakakapanghinayang siya, sa totoo lang, dahil hindi naman siya pinababayaan ng network na iniwanan niya.

“Sa lahat ng mga projects, e, palaging una ang name niya sa listahan, hindi siya nawawalan ng trabaho, puwede niyang ipangutang ang regular niyang talent fee sa mga projects na kasama siya!

“Nabigyan lang siya ng attention sa isang ginawa niyang serye, nag-isip na siyang mas mabibigyan siya ng magagandang trabaho sa kabila? Iniwan niya ang istasyon na nagpalaki sa kanya at sa career niya?” unang kuwento ng ­aming impormante.

Pero ang inaasahang matinding atensiyon ng aktres ay hindi agarang nangyari. Napasama siya sa mga serye ng nilipatan niyang network pero isa lang siya sa marami.

Kuwento uli ng aming source, “May milagro bang naganap? Napanood siya sa isang serye, tama, pero pinatay rin siya agad, di ba? Hindi pa man halos tumatatak sa publiko ang character niya, e, tigok na siya agad!

“Kasama na naman siya sa isa pang serye, pero ang dami-dami naman nila du’n! Isa lang siya sa marami, one of those lang ang presensiya niya! Hindi pa rin nangyari ang inaasahan niya!

“Paano naman siya lulutang sa palabas na ‘yun, e, mga sikat na artista ang bumibida? Puro sila kilala, ka-level ba niya ang mga kasamahan niya sa serye?

“Kaya nanghihinayang ang mga dati niyang katrabaho sa kinahinatnan ng career niya. Mukhang mababalagoong lang siya sa nilundagan niyang network!

“Hindi naman kasi siya pambida, kontrabida ang bagay na bagay na role sa kanya, kaya huwag na siyang umasa pa sa milagrong ipinangako sa kanya ng nangumbinseng lumundag siya ng bakod!

“Kung ‘yung bagets ngang kapangalan niya, hanggang ngayon, e, hindi umaalis sa network na pinagsimulan nila! Look na lang tayo sa sky!” pagtatapos ng aming source na nakataas ang magkabilang kilay.

Claudine binuko ang panghihingi ng saklolo ni Marjorie

Makahulugan ang post ni Claudine Barretto, ang pahayag ng aktres, “Oh, I’m sorry. I forgot that I only exist when you need something.”

Nagpista agad ang mga miron, para kanino raw ba ang post ni Claudine, sino raw ba ang kanyang pinatutungkulan du’n? Malalim ang hugot ng post ng aktres, naaalala lang siya nu’ng kanyang tinutukoy kapag meron itong kailangan, madiin ‘yun.

Kasunod ng post ni Claudine ay ang pagpapadala niya ng magandnag bulaklak kay Bea Alonzo, ang kanyang mensahe, “You are loved.”

Alam na this! Alam na alam na ng mga miron kung sino ang tinutukoy ni Claudine sa mensaheng bumulabog sa social media, ang kanyang pamangking si Julia Barretto ‘yun, ang parang manok na ipinangsasabong ngayon kay Bea dahil kay Gerald Anderson.

Ito ang kuwentong nakara­ting sa amin sa pamamagitan ng isang source na may malalim na alam na kuwento tungkol sa senaryo.

“Tumawag kay Claudine ang mommy niya, sinabi ni Mommy Inday na tumawag daw sa kanya si Marjorie, umiiyak! Pero ayaw makialam ni Mommy Inday sa issue, problema nila ‘yun, ayusin nila!

“’Yung pagtawag na ‘yun ni Marjorie, e, isa lang ang message, humihingi sila ng mga kakampi! ‘Yun ang reason kung bakit nag-post ng ganu’n si Clau-Clau!

“E, napakalaki ng nagawa niya sa mga anak ni Marjorie, siya ang nagpaaral kina Julia at Claudia, maayos na school ang pinasukan nila!

“Pero naaalala man lang ba siya ng magkapatid? Kinukumusta man lang ba siya? Tapos ngayong nalalagay siya sa alanganin, bigla pala siyang kailangan para gawing sundalo?

“Tama lang si Claudine, naaalala lang siya kapag kailangan siya, pero kapag walang kailangan, hindi siya nag-e-exist!” madiing paliwanag ng aming source.

‘Yun pala ang istorya sa likod ng makahulugang post ni Claudine Barretto.

CLAUDINE BARRETTO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with