Kahit halos ‘di na humihiwalay sa BF, nanay ng female personality naniniwalang virgin pa ang anak
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 11, 2019 - 12:00am

Panahon na ng mga milenyal ngayon, parang may kalayaan nang gawin ng mga kabataan ang kung ano ang kanilang gusto, pero marami pa rin tayong mga kababayan na may makalumang paniniwala.

Masyadong mahigpit ang mga magulang ng isang kilalang female perso­nality, parang ibon na nakahawla ang kanilang anak, napakatagal bago siya nakakita ng lalaking ipaglalaban niya para ma­ging karelasyon.

Kuwento ng aming source, “Lahat ng mga nanligaw sa kanya nu’n, blangkado ng parents niya, walang nakapasa, walang natuloy. Sobrang higpit talaga ng parents niya, bantay-sarado siya!

“Nagkaroon siya ng boyfriend nu’n na tagung-tago, ilang friends lang niya ang nakakaalam tungkol sa relasyon nila, pero may lihim ba namang hindi nabubunyag?

“Nu’ng matunugan ‘yun ng mga magulang niya, e, ano ang nangyari? Di ba, kalat na kalat nu’n ang kuwento kung paano pinitsarahan ng daddy niya ang boyfriend niyang male personality?

“Ang sama-sama ng loob ng guy, ni hindi man lang siya ipinagtanggol ng female personality, iniwan siya sa gitna ng laban. Pero nakatagpo ng katapat ang parents ng girl, may isang male personality na nanindigan, malakas ang loob ng guy, talagang ipinaglaban niya ang pagmamahal sa girl!

“Walang nagawa ang family ng girl kahit pa kontrang-kontra sila! Napatunayan nila na hindi lang gagamitin ng guy ang girl, dahil super-yaman pala ang family nila!” mahabang kuwento ng aming source.

Nagsalita ang madir ng girl, nasa tamang age na kuno ang kanyang anak para makipagrelasyon, pero walang dapat mangyari sa kanila ng guy.

Komento ng aming source, “Ano ang gustong palabasin ng mommy niya, sa tagal na nang panahong sila, e, wala pa ring nagaganap sa pagitan nila?

“E, ilang beses na ba silang umaalis ng bansa na silang dalawa lang ang magkasama? Ano ‘yun, hiwalay pa ang mga hotel rooms nilang dalawa?

“Ano ang ginagawa nila, naglalaro ng scrabble? Nagbabasa ng history books? Hindi raw liberated ang girl, sabi pa ng kampo ng madir niya, pero teka lang naman muna!

“Hanggang ngayon ba, e, naniniwala pa rin ang mommy ng girl na wala pa ring nangyayari sa anak niya at sa manugang niyang hilaw? Ano ba maman ‘yan! Gumising na nga sila sa katotohanan!

“Kasal na nga ang pinag-uusapan nila, di ba? Gusto na nilang gawing formal ang pagsasama nila!” nakataas ang kilay na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Eddie dinadagsa ng matinding malasakit

Binulabog ng beteranong aktor-direktor na si Tito Eddie Garcia ang loob at labas ng showbiz nang lumabas ang balitang bumagsak siya habang nasa taping ng bago niyang serye sa GMA-7.

Nagkani-kanyang bersiyon na ng kuwento ang mga miron, may naglabas agad ng fake news na inatake ang beteranong aktor at namatay rin agad, mabuti na lang at may bumalanse ng balita na buhay na buhay pa si Tito Eddie.

Naglabas na ng opisyal na pahayag ang kanyang pamilya, walang naganap na heart attack, natalisod lang sa kable si Tito Eddie at nawalan ng balanse.

Sa kanyang pagbagsak ay nagkaroon siya ng severe cervical fracture, nobenta anyos na ngayon si Tito Eddie, kaya napakalapit niya sa ganu’ng klase ng disgrasya.

Nasa ICU pa rin ng Makati Medical Center ang beteranong aktor, hindi pa siya nakakausap ng mga personalidad na agarang dumalaw sa kanya, kailangan pa ng pahinga ni Tito Eddie na nagtamo rin ng mga gasgas sa katawan.

Naisip lang naming, ganu’n katindi ang malasakit at pagmamahal ng buong industriya kay Tito Eddie Garcia, nagkakaisa ang mga artista na ipina­langin ang maaga niyang paggaling at harinawang hindi siya magpaalam.

Iba talaga kapag may itinanim na maganda ang isang tao sa kanyang mga katrabaho, sa mga sumusuporta sa kanya at sa ating mga kababayan, tulad ni Tito Eddie na ilang dekada na sa lokal na aliwan pero walang kahit sinong nakaaway.

At ang pinakamahalaga, ang respetong ibini­bigay sa kanya ng buong industriya ng pelikula at telebisyon at ng buong bayan, yakap-yakap ‘yun ni Eddie Garcia mula nu’n hanggang ngayon.

Isang hiling para sa maagang paggaling ng mahal naming si Manoy.

EDDIE GARCIA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with