Aktres na dating seryoso sa trabaho, sa rich boyfriend na lang tumatanggap ng TF
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 10, 2019 - 12:00am

Bidang-bida sa pagpipista ng mga taga-showbiz noong isang gabi ang nakamamanghang pagbabago ng estado ng buhay ng isang magandang female personality. Nakakagulat naman kasi talaga ang biglaang pagganda ng kanyang buhay.

Ayon sa magkakakuwentuhan ay hindi masyadong pinoproblema ngayon ng female personality kung wala man siyang ginagawang proyekto sa kanyang network.

Hindi siya humihingi ng trabaho, okey lang siya kung wala man siyang serye, ibig sabihi’y hindi niya pinoproblema ang estado ng kanyang bulsa.

Kuwento ng isang source sa umpukan, “Ikaw na ang magkaroon ng karelasyong milyonaryo! Huwag namang sabihing hindi siya sinusuportahan ng guy financially! Makakaya ba niyang mag-relax lang sa career niya kung pinoproblema niya ang datung?

“Natural, kakayod siya, magtatrabaho siya, magpupuyat siya at magpapakapagod sa maghapon para lang siya kumita, di ba? Pero okey lang siya ngayon, papetiks-petiks lang siya, dahil nakasandal naman kasi siya sa pader!” madiing kuwento ng source.

Mahal ng female personality ang kanyang trabaho, kaya nga siya sumali nu’n sa isang reality show ay pangarap niya na talagang mag-artista nu’ng bata pa lang siya, pero may dahilan kung bakit okey lang sa kanya ang walang trabaho ngayon.

Isang source din sa umpukan ang nagsabi, “Ang gusto kasi nu’ng guy, e, hindi siya masyadong nahihirapan. Parang ganito lang siguro ang sabi sa kanya ng boyfriend niya, ‘Huwag ka nang magpakapagod, ibibigay ko na lang sa iyo ang tinatanggap mong talent fee.’

“O, di ba naman? Napakasuwerte naman ng girl, may sarili siyang producer! Mahal na mahal na siya, e, suportado pa ng businessman ang lahat ng mga kapritso niya!

“Biyahe na lang siya nang biyahe sa iba-ibang bansa kasama siyempre ang guy, buy na lang siya nang buy ng mga branded stuff na matagal na niyang pinapangarap!

“Nakahiga na siya sa salapi, pati ang family niya, suportado rin ng rich businessman, saan ka pa nga naman? Bakit pa siya magkukumahog sa pagtatrabaho kung nand’yan na ang biyaya sa tabi niya?

“Masuwerte ang girl na ito, at least, hindi na siya ang gagastos para sa karelasyon niya na tulad nu’n! Rich na rich na siya ngayon, bagay na bagay sa kanya ang paglalarawan, halos katunog ng kanyang pangalan ‘yun!” namamangha pa ring pagkukuwento ng impormante.

Ubos!

Pambansang Bae nagpatayo ng eskuwelahan sa Mindoro mga estudyanteng Mangyan si Alden lang ang kilala

Talagang pepremyuhan ng kapalaran si Alden Ri­chards. Bukod sa masipag na ang aktor at mapagpakumbaba ay hindi siya mawawala sa aksiyon kahit tapos na ang kinakikiligan nilang tambalan ni Maine Mendoza dahil sa mga bukal sa pusong ginagawa niya para sa ating mga kababayan.

Nagbukas siya ng sikat na food chain sa Biñan, Laguna, marami siyang nabigyan ng trabaho, maraming nagpapasalamat sa kanya.

May dalawang restaurants din siya, ang Concha’s Garden, ilang kababayan din natin ang nagtatrabaho para sa kanya na palaging nagdarasal para sa kanyang mas pag-unlad pa.

May mga kaibigan kaming taga-Mindoro na nagpapasalamat din ngayon sa Pambansang Bae dahil malaking suporta ang ibinigay niya para makapagpatayo ng eskuwelahan para sa mga batang Mangyan.

Kuwento ng aming kaibigan, “Nakakaawa ang mga batang Mangyan. Nakatira sila sa bundok ng Sablayan, para makapag-aral sila, apat na kilometro ang kailangan nilang lakarin sa umaga at hapon.

“Bundok ang nilalakad nila, may tinatawiran din silang mga ilog, kaya talagang napakalaking sakripisyo para sa kanila ang makatungtong sa elementarya.

“Napakalaki ng tulong na ibinigay sa kanila ni Alden Richards. Todo ang suporta niya para maipagtayo ng school ang mga batang Mangyan.

“Tanungin mo ang mga batang Mangyan ngayon kung sinong artista lang ang kilala nila, Alden Richards lang ang isasagot nila. Pangarap kasi nila ang tinugunan ni Alden, hinding-hindi na siya makakalimutan ng mga pamilyang Mangyan,” kuwento ng aming kaibigan.

Napakaganda ng puso ng Pambansang Bae, hindi niya sinasarili lang ang mga biyayang tinatanggap niya, ibinabahagi niya ‘yun sa mga kababayan nating mas nangangailangan.

Uulanin talaga ng suwerte si Alden Richards, gagantihan siya ng kapalaran sa kagandahan ng kanyang puso, mga tulong ‘yun na ni hindi nga niya ipinagmamakaingay.

ALDEN RI­CHARDS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with