Sikat na young actor na pa-late ang drama, naturuan ng leksiyon
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 7, 2019 - 12:00am

Maraming personalidad na nag-eendorso ng iba-ibang produkto ang inimbitahan sa isang malaking pagtitipon ng mga ahensiya. Ginanap ‘yun sa isang malaking venue.

Ang mga artistang nag-eendorso ng mga produktong shampoo, kape, gatas, pagkain at kung anu-ano pa ay nagkita-kita du’n pero magkakaiba ang kanilang advertising agency.

Nakalinya sa mga inimbitahan ang isang pamosong young actor na maraming ineendorsong produkto, mabenta siyang modelo, lahat na yata ng klase ng TVC ay meron siya.

Kuwento ng aming source, “May naka-schedule na oras ang bawat ahensiya sa pagpe-perform ng mga guest artists nila. Kailangang masunod ‘yun, may mga magpe-perform pa kasing ibang grupo naman.

“Tinanong ng coordinator ang road manager ng sikat na young actor kung anong oras sila makarara­ting. Nagbigay ng oras ang RM, so ‘yun na ang nakalagay sa kanilang sequence guide sa backstage.

“Ang oras na ibinigay ng RM, e, hindi natupad, late sila nang isang oras. Natural, ang kasunod nang grupo ang nagpe-perform nu’ng dumating sila.

“Nakakaloka! Ang gusto ng RM, e, ipahinto ang nagpe-perform para isingit ang kararating lang na young actor. Imposible ang gusto niyang mangyari, binigyan na sila ng schedule of performance, pero hindi sila dumating sa takdang oras!” umpisang kuwento ng aming source.

Napansin ng isang tagapamahala ang komosyon, pumasok ito sa eksena, sinabi ng coordinator na ang gusto ng RM ng sikat na young actor ay ipahinto ang show para isingit ang kanyang alaga.

Patuloy na kuwento ng aming source, “Nagalit ‘yung officer, ang sabi sa RM, ‘You were given the schedule, but you were late, hindi puwede ang gusto n’yong mangyari! You only have one choice, tapusin n’yo muna ang performance ngayon, sa huli na siya magpe-perform!’

“Walang nagawa ang young actor at ang RM kundi ang tapusin ang performance, sa pinakahuli na lang siya kumanta, na dapat lang naman, dahil late silang dumating!

“Nairita ang coordinator dahil ang sabi pa ng road manager, e, meron pa raw lagare ang sikat na young actor, kaya kailangan nang unahin. Ganu’n? Late na late na nga silang dumating, gusto pa nilang mauna?

“Ano ‘yun, lokohan? Kapag ganyan, e, kailangan nilang gawin ang lahat para hindi sila ma-late! Gawin nila ang lahat ng paraan!” pagbibigay pa ng clue ng aming impormante.

Ubos!

Pip walang kupas ang husay at ugali

Napakahusay ni Tirso Cruz III bilang ang kontrabidang si Tiago sa The General’s Daughter. Napakasarap niyang sapakin sa role na buong ningning niyang nabibigyan ng hustisya.

Walanghiya si Heneral Tiago, puro ilegal ang kanyang negosyo, kalaban siyang mortal ni Albert Martinez na nakaagawan niya sa puso ni Eula Valdez.

Si Tiago ang nagpapahirap sa bidang si Angel Locsin, palibhasa’y siya ang nagpalaki kay Rhian, na ang tunay na mga magulang ay sina Albert at Eula.

Hindi pa man humuhupa ang paghanga ng mano­nood kay Pip sa matagal nang natapos na seryeng Wildflower bilang kontrabida rin ay heto na naman siya sa The General’s Daughter.

Ang galing-galing ni Pip, talagang mamumuhi ang manonood sa kanyang karakter, napakaepektibong aktor ni Tirso na nagsimula bilang ka-loveteam ni Nora Aunor nu’ng dekada ’70.

Ang sabi, kapag naghiwalay raw ang magka-love­team, ay ang lalaki ang napag-iiwanan. Winasak ‘yun ni Tirso dahil mula nang hindi na maging aktibo ang tambalang Guy & Pip ay hindi siya nawalan ng trabaho.

Buhay na buhay pa rin ang career ni Tirso Cruz III, hindi siya lumiban sa magaling na pagganap, ibinibigay niya ang lahat-lahat.

Napapanahon lang na bigyan siya ng parangal bilang Natatanging Bituin Ng Siglo. Maraming salamat sa PMPC-Star Awards dahil binigyan nila ng importansiya ang walang palyang mahusay na pagganap ni Tirso Cruz III.

Si Pip, na mula nu’n hanggang ngayon ay hindi pinagbago ng kasikatan ang ugali, sa phonebook ng aming cellphone ay “Forever Idol” ang pangalang nakalagay sa numero ng nag-iisang idolo ng aming kabataan.

TIRSO CRUZ III
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with