Pikong female personality numero unong mamikon!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 4, 2019 - 12:00am

Totoo. Totoong-totoo. Walang karapatang magbato ng mga biro ang isang taong balat-sibuyas. Walang karapatang magbiro ang pikon.

Simple lang ang sinasabi ng mga miron. Huwag mong gawin sa kapwa mo ang ayaw mo ring gawin nila sa iyo. Ang litanyang ‘yun ay pinatutungkol nila sa isang young female personality na magaling magbiro pero nuno naman nang pagiging pikon.

Kuwento ng aming source, “Kung makapagbiro siya, e, akala mo siya lang ang may damdaming nasasaktan. Grabeng magbato ng joke ang babaeng ‘yun! Di ba’t lagi nga siyang binabara ng mga kasamahan niya sa isang show?

“Akala mo walang emosyon ang ibang tao kung makapagbato siya ng biro, pero siya naman mismo ang pikon, mabilis siyang magalit kapag siya na ang pinapansin!” inis na unang kuwento ng aming impormante.

Bukod sa pikon na ay maldita rin ang female personality na ito. Masyado kasi siyang feeling, pakiramdam niya ay sikat na sikat na siya, kahit pa anino lang naman siya ng isang kadugo niya.

Patuloy ng aming source, “Importanteng malaman ng babaeng ‘yun na kung tutuusin, e, package deal lang naman siya ng isang female personality na hindi iba sa kanya.

“Wala pa naman siyang maipagmamalaking project na siya ang bumibida, wala pa siyang napapatunayan, kaya tantanan na niya ang pagmamaldita!

“Hindi pa siya ang main, sahog pa lang siya, kaya huwag muna siyang umaastang sikat na sikat, pabibo lang siya, sa totoo lang!” madiing komento ng aming impormante.

Bina-bash pa rin hanggang ngayon ang female personality, hindi pa rin siya binibitiwan ng mga kababayan nating nasosobrahan sa dulas ng kanyang dila, puro ampalaya pa rin ang kinakain niya sa maghapon ngayon.

Pagtatapos ng aming source, “At ganu’ng napakataklesa niya, e, may gana pang sumagut-sagot nang pabalang ang babaeng ‘yun sa mga pumapansin sa kanya!

“Pikon siya! Madaling tablan! Balat-sibuyas ang hitad na ‘yun, pero kung makapagpakawala siya ng mga salita tungkol sa ibang tao, e, wala siyang pakialam!

“Naku, huwag siyang pikon dahil de-primera siyang namimikon ng ibang tao! Bumukaka na lang siya sa maghapon!” inis na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Kathryn hinog na sa best actress

Napakasarap nga namang pakinggan ng mga salitang, “And the best movie actress of the year goes to... Kathryn Bernardo for the movie The How’s Of Us!”

Napakaligaya ngayon ng sikat na young actress, ­unang mainstream award niya ang ipinagkaloob sa kanya ng PMPC Star Awards For Movies nu’ng isang gabi, ‘yun din ang dahilan kung bakit mula sa kanyang upuan hanggang sa dressing room ay iyak nang iyak si Tita Min.

Siyempre’y nandu’n ang kanyang boyfriend na si Daniel Padilla na kahati niya sa parangal, tinanggap nila ang best loveteam award mula sa PMPC, naging abala rin ang guwapong aktor sa kabi-video sa hosting ni Kathryn.

Muntik na palang hindi matuloy ang pagho-host ni Kathryn Bernardo sa Star Awards dahil sa TVC shoot sa Thailand na ilang buwan na nilang nasagutan. Mabuti na lang at nagbago ng location ang ahensiya, dito na lang kukunan ang kanyang commercial, kaya nagawan nila ng paraan ang hosting sa Star Awards.

Hinog na hinog na naman talaga si Kathryn para pagkalooban ng parangal. Huwag na nating sabihin na ang pelikula nila ni Daniel ang mayhawak pa rin ng record sa takilya na mahirap nang buwagin, kundi talagang mahusay umarte ang dalaga, nasa puso niya ang mga eksenang ginagawa niya.

Ngayon ay ang pelikula naman nila ni Alden Richards ang malapit nang ipalabas. Ngayon pa lang ay kani-kanyang puri na ang mga nakapanood sa ilang eksena nila, bigay na bigay na naman ang pagganap ng dalaga, si Alden naman ay imbakan ng luha kung ilarawan ng mga nakapanood na sa ilang eksena nilang kinunan pa sa Hong Kong.

Maligayang bati kay Kathryn Bernardo, unti-unti nang nagkakahugis ang kanyang mga pangarap nu’ng bata pa siya, ang nagagawa nga naman ng pagsisikap at paghihintay sa tamang panahon.

KATHRYN BERNARDO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with