Aktor sobra ang disiplina sa datung
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 31, 2019 - 12:00am

Pagdating sa katipiran ay walang makakatalo sa isang kilala at masipag na male personality. Nagkakaedad na siya pero hindi nakapanghihinayang ang mga taon na lumipas sa kanyang buhay dahil nu’n pa man ay marunong na siyang mag-ipon.

Hindi niya naman tinitipid ang kanyang sarili maging ang kanyang mga anak, pero kung ano ang nand’yan ay kailangan nilang tanggapin, hindi sila maluho sa buhay.

Kuwento ng aming source, “Marunong siyang humawak ng pera. Mas natuto siyang magtipid nu’ng manirahan sila ng family niya sa ibang bansa, du’n niya mas pinahalagahan ang kinikita niya.

“Hindi siya gumagastos nang basta-basta. Kailangang kapaki-pakinabang ang paglalaanan niya ng pera. Maayos na eskuwelahan para sa mga anak niya, check! Wala siyang reklamo sa mga ganu’n.

“Pero ‘yung gagamitin lang ang pera sa granatsa na puwede namang iwasan, mahigpit siya sa ganu’n, hindi siya naglalabas ng datung nang basta!

“Ganu’n siya katipid, pero hindi naman siya kuripot, marunong siyang mag-share ng kung anumang meron siya sa family niya,” simulang kuwento ng aming impormante.

Sa taping ng pinagbibidahan niyang serye ay kitang-kita rin kung gaano kadisiplina sa pananalapi ang magaling na aktor. Dumarating siyang kumpleto sa baon.

“Sa bahay na niya nanggagaling ang pangmeryenda niya. Instead na magpabili siya sa mga food chain, bitbit niya sa set ang sandwich at iba pang food na kakainin niya hanggang sa mag-pack-up na siya.

“Ganu’n siya karunong sa buhay. Bakit pa nga naman siya gagastos kung meron naman siyang baon na mas masarap pa nga kung tutuusin dahil lutong-bahay?

“Sa katitipid niya, e, marami nang nabibiling properties ang male personality. Mahilig siyang bumili ng lupa. May mga kamag-anak siyang naghahanap ng mga properties na puwede niyang ipundar.

“Napakasipag niya, kung minsan nga, e, dala-dalawang programa ang ginagawa niya sa isang malaking network. Tularan sana siya ng mga kapwa niya artista na kung magsayang ng kinikita nila, e, parang naglalaro lang.

“Sa isang seryeng kasama siya, e, sinasaluduhan siya ng kanyang mga kasamahan hindi lang dahil sa husay niyang mamuhay, sinasaluduhan din kasi ang role niya sa seryeng ‘yun,” pagbibigay pa ng clue ng aming impormante.

Ubos!

Anthony kinaiinggitan kaya sinisiraan

Kababayan namin si Anthony Taberna. Matagumpay siyang anak ng San Antonio, Nueva Ecija. At hindi lang namin siya kababayan, malapit kami sa kanyang pamilya, mahal namin si Nanay Benie at ang kanyang mga kapatid.

Nasa DZMM na siya nu’ng mga panahong palagi kaming magkakasama nina Ateng, Janice at Heidi, ang kanyang mga kapatid na maaga pa lang ay tinuruan nang magnegosyo ni Tunying, nagtayo sila ng parlor.

Nakatira pa lang sila nu’n sa isang payak na apartment sa San Francisco del Monte, maayos ang kanilang samahan, lumaking nagtutulungan ang magkakapatid.

Hindi nakalilimot umuwi sa kanilang nayon si Tun­ying, hindi rin siya maililigaw sa paksa ng pagsasaka, marunong siyang gumamit ng lilik na panggapas dahil magsasaka ang kanyang ama at mga kapatid.

Napakasimpleng buhay na kinambalan ng pagsisikap, pagsisipag at pagtitiyaga ni Tunying. Hanggang sa lumawak na ang kanyang oportunidad sa ABS-CBN, bukod sa programa nila sa radyo ng kababayan din naming si Gerry Baja na Dos Por Dos ay pinagkatiwalaan din siya ng mga shows ng departamento ng News ng network, mula nu’n ay kinilala na ang pangalan ni Anthony Taberna sa mundo ng pagbabalita.

Nang ikasal sila ni Roselle ay mas matinding paghamon ang sinalubong ni Tunying. Mahilig magnegosyo ang kanyang misis, nagpoprodyus din sila ng mga concert, meron din silang mga restaurant at bake shop na pinagkakakitaan na ay marami pa silang natutulungang mga trabahador.

Hindi nagtagumpay si Tunying nang magdamagan lang. Ilampung taon muna siyang nagsikap para matanaw niya ang ka­ginhawahan sa buhay, dekada muna siyang nagtiis at nagsikhay bago niya nakumpleto ang kanyang mga pangarap, mahabang panahon muna siyang nakipagsuntukan sa buwan.

May mga naiinggit talaga kay Tunying dahil magaling siyang news anchor, ibang-iba ang kanyang atake, may itsura pa siyang maipagmamalaki na napakadaling kagaanan ng kalooban.

Sabi nga, ang galit na walang katwiran ay inggit lang ang dahilan, mamitas na lang sila ng mga bunga ng punong pinaghirapang itinanim at pinagbunga ni Anthony Taberna.

ANTHONY TABERNA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with