Young actress bobo sa orasan!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 29, 2019 - 12:00am

Bagito pa lang ang isang young actress. Inaalagaan siya ng isang malaking network. Binigyan siya ng pambidang papel, kaya rin niyang magkontrabida, maayos na sana ang takbo ng kanyang karera.

Pero nang magtagal-tagal na ay napansin ng marami ang kanyang kakaibang attitude. Maaga siyang naniwala sa kanyang sarili, hindi niya kinaya ang atensiyon na ibinibigay sa kanya, kaya para sa mas nakararami ay nalunod agad siya sa isang basong tubig.

Ang unang ibinabato laban sa young actress, unprofessionalism, mukhang walang relo ang babaeng ito kaya hindi niya alam kung anong oras na.

Kuwento ng aming source, “Palagi siyang late sa mga tinatanggap niyang trabaho lalo na kapag out of town. Ewan kung makupad siyang kumilos o talagang sinasadya niyang magpa-late, dahil ang feeling na niya, e, sikat na siya!

“At magaling siyang magpalusot! Kiyemeng nasa kalye na sila, pero nasa bahay pa pala, nag-aayos pa lang siya. Kesyo matrapik, may nadaanan silang aksidente, kaya male-late siya sa show.

“Very unprofessional ang young actress na ‘yun, siya ang female version ng isang guwapong actor na sayang ang guwapo-guwapo pa naman at magaling umarte, pero palaging late!” simulang kuwento ng aming impormante.

Wala siyang respeto sa mga kababayan nating matiyagang naghihintay sa kanya. Hindi madaling maghintay, lalo na kung gabing-gabi na, pero parang walang pakialam ang young actress sa ganu’ng sitwasyon.

“Darating siya nang late na late na, pero parang utang na loob pa sa kanya ng show promoter ang pagiging late niya dahil sumipot naman siya sa show!

“Kakanta siya nang kakanta na parang inaangkin niya ang entablado, siya lang ang nakakaalam ng mga songs na kinakanta niya, kaya naiinip ang audience. Hindi sila maka-relate!

“Masyadong feeling ang young actress na ‘yun na kabagu-bago pa lang ng show, e, tinigbak na agad ng network, dahil hindi nagre-rate! Walang ra­ting ang pinagbibidahan niyang programa!

“Naku, kapag hindi nagbago ang young actress na ‘yun, e, alam na natin kung saan siya pupulutin isang araw! Kundi man sa kangkungan, e, baka magtinda na lang siya ng bulaklak na pagkadilaw-dilaw!” pagtatapos ng ­aming source.

Ubos!

May epekto ba? Jimmy nagpapatulong pa kay Mocha!

Siya ang nagsimula ng sunog pero ngayong siya na ang natutupok ng apoy na nilikha niya ay nagpapanggap pang biktima ngayon ang one-hit-wonder na si Jimmy Bondoc.

Ang tapang-tapang niyang magpakawala ng mga salitang nakayayanig laban sa ABS-CBN, pero nang magtayuan na ang mga sundalo ng network para ipagtanggol ang kanilang nasasakupan ay napapraning ngayon si Bondoc, nanginginig na ang mga kalamnan.

Pinababantayan niya ngayon sa mga netizens kung paano raw siya wasakin ng ABS-CBN, kung anu-anong litanya raw ang naririnig niya mula sa mga personalidad ng istasyon na sa kanya patungkol, napapraning na nga si Jimmy Bondoc!

Nu’ng una siyang magtungayaw ay napakalakas ng loob niyang sinabi na wala siyang pakialam kung anuman ang maging balik sa kanya ng isinigaw niyang rebelasyon laban sa ABS-CBN. Nakahanda raw siya saanman makarating ang usapin.

O, ano ngayon ang nangyayari, hindi ba’t naghahanap na siya ng mga kakampi? Umaaray siya sa mga naririnig niya, kahit hindi na patungkol sa kanya ang mga sinasabi ng mga personalidad ng Dos, pakiramdam ni Jimmy ay siya pa rin ang pinariringgan ng mga ito.

‘Yun ang dapat niyang pinaghandaan. Kuta ng langgam ang kanyang kinalaban dahil sa kanyang kadaldalan. Ngayong gumising na ang mga langgam at isa-isa nang kumakagat sa kanya ay saka siya aray nang aray.

Nagpatinterbyu pa siya kay Mocha Uson para magtawid ng kanyang paliwanag. Akala ni Jimmy ay nakatulong ‘yun sa kanyang ipinaglalaban. Pero nagkamali siya.

Silang dalawa ni Mocha Uson ang pinaghahambing at inilalarawang mga langaw lang na natungtong sa likod ng kalabaw pero ang pakiramdam na ay mas malaki pa sila sa kanilang tinungtungan.

Si Jimmy Bondoc ang nagpasimula, siya ang gumawa ng multo, pero ngayon ay siya mismo ang takot na takot sa multong ginawa niya.

Talukbong na!

JIMMY BONDOC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with