Female personality parang laging may lamay ang dressing room!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 28, 2019 - 12:00am

Nu’ng kasagsagan ng career ng isang sikat na female personality sa isang network ay maliwanag ang usapan. Walang ibang makagagamit ng kanyang dressing room.

Kahit pa maraming guests ang ibang programa ng istasyon ay kailangang sarado ang kanyang dressing room. Hindi puwedeng ipagamit sa ibang artista.

Kuwento ng aming source, “Malakas ang pang-amoy ng girl, alam niya kapag may ibang gumamit ng dressing room niya, grabe ang radar niya kahit sa malayuan!

“Nangyari lang minsan ‘yun nu’ng may duma­ting na foreign guests, kapos na kapos sa dressing room dahil sa laki ng entourage, kaya pinabuksan na ang dressing room ng female personality para ipagamit sa mga foreign guests.

“Ipinalinis agad ‘yun ng production dahil kinau­magahan, e, taping na ng female personality. Scrub kung scrub ang ginawa ng mga utility, sabay spray ng kung ano, para mawala ang amoy.

“Kinabukasan, taping na niya, palagi siyang may advance party para ispreyan ang dressing room niya ng scent na paborito niya.

“Akalain n’yo bang naamoy pa rin niya na may gumamit sa dressing room niya a day before? Napakatindi talaga ng radar ng babaeng ‘yun!” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Habang nagte-taping ang female personality ay iba-ibang klase ng kandila ang nakasindi sa kanyang dressing room. Mga sosyal na kandila ‘yun, mamahaling scented candles, malalaki ‘yun at alam mong talagang namumuhunan siya para hindi siya mabahuan.

Kuwento uli ng aming source, “One time, e, nakabasag ng baso ang anak niya, nagkalat ang bubog sa comfort room, kaya kinailangan nilang magpatawag ng utility para linisin ang CR niya.

“Shocking Asia ang utility, tatlong kandila ang nakasindi, parang may nagaganap na lamay sa banyo, nagkalat din ang tissue paper sa sahig.

“Malinis ang girl, OC nga siya, pero pagdating sa paggamit ng tissue paper, e, hindi siya maaasahang magtapon sa basurahan.

“Nakakalat lang ‘yun sa lababo, meron din sa sahig, kalat-kalat ang mga gamit nang tissue paper sa dressing room. Pulot na lang nang pulot ang mga alalay niya ng mga ikinakalat niyang tissue paper.

“Wala nang exclusive dressing room ngayon sa network, puwede nang gamitin ng kahit sinong artista ang mga ‘yun ngayon, wala na kasing show ang female personality.

“Nakakaloka nga naman! Ang super-spoiled na female personality, darating pala ang panahon na mawawalan ng show sa network? Ang buhay nga naman!” pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Jimmy hinahanapan ng ebidensiya

Panay-panay ang pagpo-post ni Jimmy Bondoc na isang araw ay ilalabas niya ang mga ebidensiya ng mga pinaputok niyang isyu laban sa ABS-CBN. Huwag daw mainip ang mga kababayan natin, isang araw ay mapaninindigan niya ang kanyang mga sigaw, lalo na sa isyu ng sexual harassment.

Dahil sa sobrang lakas ng loob ng taong ito sa pakikipagsagutan sa mga personalidad ng network na nagbigay ng reaksiyon sa kagustuhan niyang makitang sarado na ang higanteng network ay maraming nagtatanong kung sino ang nagbigay sa kanya ng basbas para banggain ang pader nang istasyon.

Marami nang artistang nagdemanda ng network, pero ang ending, ang personalidad ang nabukulan at hindi ang istasyon.

Meron naman kayang artistang lalantad ngayon para magsabing totoo ang upak ni Jimmy Bondoc laban sa ABS-CBN? Ipagpalagay na nating may katotohanan ang kanyang bintang, pero ang tanong, may sasama kaya sa kanya sa laban ngayon?

Para matapos na ang usapin ay maglabas na lang ng mga ebidensiya si Jimmy Bondoc, napakahalaga ng resibo sa ganito kaselang akusasyon, kailangang mapanindigan niya ang kanyang mga talak para hindi siya maging katawa-tawa sa bandang huli.

Sunog na sunog na siya ngayon, kaliwa’t kanan ang kalaban niya, hindi lang ang mga artista ng ABS-CBN ang bumuwelta sa kanya kundi pati ang mga kababayan nating nabibigyan ng saya ng network sa pamamagitan ng kanilang mga programa.

Sabi nga ng lola ng aming kaibigan na matagal nang naninirahan sa Virginia, USA, “Sino ba ang taong ‘yan na nagpapasarado sa ABS-CBN? ‘yun na nga lang ang gamot namin sa kalungkutan, ipasasarado pa niya?

“Siya na lang ang magsarado ng bibig niya! Kalalaking tao, napakadaldal!” sabi ng lola ng aming kaibigan.

JIMMY BONDOC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with