Sakit ni Pauleen pabalik-balik, mag-amang Vic at Tali ‘di na maasikaso
SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula (Pilipino Star Ngayon) - May 26, 2019 - 12:00am

Sa May 31 na ang deadline ng submission of script sa Metro Manila Film Festival at inaasahan ng Executive Committee na magsa-submit ng magandang proyekto ang malalaking film outfit dahil iyun ang gusto sana ng mga taga-MMFF bilang bahagi ng pagdiriwang ng 100 Years of Philippine Cinema.

Inaasahan nila ang partisipasyon ng mga malalaking artista na magsama-sama sa iisang proyekto, na sana kakaiba sa mga isinasaling pelikula nung mga nakaraang taon.

Nung una ay nagpahayag ng interes si Sen. Bong Revilla dahil sobrang na-miss daw niya ang paggawa ng pelikula. Pero gusto raw muna niyang mag-focus sa Senado. Mahirap na rin daw humabol sa deadline kaya baka sa susunod na taon na lang siya sumali sa MMFF.

Ang isa sa gustong sumali uli ay si Vic Sotto dahil itong pang-MMFF lang naman siya nakakagawa ng pelikula.

Pero nung huling nakausap namin, nag­ha­hanap pa raw siya ng magandang mater­yal na kakaiba.

Ang gusto raw sana niya ay ibang kumbinasyon naman gaya ng ginawa nila ni Coco Martin nung nakaraang taon. “Sa kasalukuyan eh may mga pini-pitch sa akin na mga konsepto. Nagdedesisyon pa kami ng mga konsepto kung ano ang aming gagawin. It has to be different kasi sa huli kong ginawa, sa iba kong nagawa. Dapat iba naman. Parang Pasig lang yan, iba naman,” napapangiti niyang pahayag na ecstatic pa rin sa pagkapanalo ng anak niyang si Vico Sotto sa Pasig bilang mayor.

Kung magsasama kasi sina Vice Ganda at Anne Curtis ng It’s Showtime, dapat meron ding pinu-promote ang Eat Bulaga ng pelikula ni Bossing Vic.

Kinumusta nga namin kahapon kay Pauleen Luna kung meron na bang napili si Bossing Vic, wala pa raw sagot sa akin.

Naiinis nga si Pauleen dahil isang linggo na raw siyang hindi nakapag-Eat Bulaga dahil sa on and off na lagnat niya.

Natatakot daw siya dahil sobrang taas daw ng lagnat niya na umabot ng 40 degrees. Kaya nagpa-blood test daw siya uli kahapon para matiyak lang na hindi ito Dengue.

Ang ikinatakot kasi ni Pauleen kung Dengue ito, bale pangatlo na raw pag nagkataon. Mas nakakatakot daw pag pangatlo na eh. Mabuti at wala na raw siyang lagnat kahapon at sana tuluy-tuloy na raw ang paggaling niya dahil hindi na raw niya naaasikaso ang mag-ama niya  at gusto rin sana niyang tumulong kay Bossing sa pagpili ng magandang material na posibleng isali sa MMFF.

Javi kasado na ang action movie!

Pagkatapos ini-launch si Javi Benitez bilang isa sa mga bagong talents ng Star Magic, isasabak na siya sa shooting ng pelikulang pagbibidahan niya.

Ang kanyang amang si Cong. Albee Benitez ang magpu-produce ng action film na ito na ididirek ni Richard Somes.

Nakakasa na nga ang proyektong ito na ang tentative title ay Project Kid Alpha 1 na ang karamihang eksena ay kukunan sa Bacolod.

Ilan sa mga kinuhang susuporta kay Javi ay sina Tonton Gutierrez, at may special participation si Christopher de Leon.

Inaayos pa raw sa Star Magic kung pupuwede si Sue Ramirez para maging leading lady nito.

Ngayon pa lang ay todo ensayo na si Javi at nakikita nga sa kanyang Instagram account kung gaano naka-fit ang katawan niya.

Hindi na kumandidato si Cong. Benitez nung nakaraang election at gus­to niyang mag-produce pa ng pelikula gaya ng ginagawa niya rin noon.

Nakipag-produce siya sa BuyBust ni Anne Curtis, at ginawa rin niya ang Magikland ni direk Peque Gallaga at direk Lore Reyes na balak i-submit sa Metro Manila Film Festival.

Alden hindi pa sure sa The Clash

Tuluy-tuloy ang audition ng The Clash, at ngayong araw ay nasa Activity area ng NCC Mall Buhangin sa Davao City sila mula alas-diyes ng umaga hanggang 6 nang gabi.

Kaya sa mga interesadong sumali, bukas ito sa mga amateur at professional na male and female singers edad mula 16 pataas.

Magdala lang ng original at photocopy na birth certificate at recent photo (4R half body).

Maghanda ng at least dalawang kanta na minus-one sa USB flash drive na pang-audition.

So far, wala pa rin silang sagot kung si Alden Richards na nga ba ang maghu-host, pero positive ang feedback ng netizens sa ideyang si Alden ang maghu-host sa pangalawang season ng The Clash.

METRO MANILA FILM FESTIVAL
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with