Aktor parang linta kung dumikit sa mapepera
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 18, 2019 - 12:00am

Ginawang masarap na pulutan sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz ang isang pamosong lalaking personalidad na kapit-tuko ngayon sa isang malapit nang manumpang pulitiko.

Kansusuwit ang tawag sa kanya ng mga nandu’ng miron, linta naman ang tawag sa kanya ng iba, dahil talagang nagsiguro na ang male personality na may madidikitan siya para sa mga personal niyang interes.

Kuwento ng aming source, “Kilalang-kilala ng male personality na ‘yun kung sinu-sino ang magkakaharap habang pinagkukuwentuhan siya. Kilalang-kilala rin kasi siya nu’ng mga namumulutan sa kanya.

“Sabi nga nila, e, magaling daw talaga ang radar ng lalaking ‘yun pagdating na sa pera. Alam niya kung saan siya papasok at lalabas.

“Mas pinili niyang dumikit du’n sa bagitong politician kesa sa mga super-close niyang kaibigan. Kasi nga, e, mas matamis ang asukal du’n sa poder ng baguhang pulitiko.

“Kilalang-kilala na kasi siya ng mga kaibigan niyang pulitiko rin, marami na siyang utang sa mga ‘yun, kaya iniisip niya siguro na kung ang mga ‘yun ang tutulungan niya sa kampanya, e, hindi siya magkakadatung!

“E, du’n sa bago, natural, malaki ang kikitain niya, di ba naman? Kaya ayun, para siyang kansusuwit na palaging nakadikit du’n sa baguhang pulitiko!

“Kahit sino, e, kaya niyang tablahin, kahit sinong kaibigan pa, e, kaya niyang talikuran, mapaniwala lang niya ‘yung dinidikitan niya na loyal siya. Ganu’n siya katindi kapag kalansing na ng datung ang involved!” komento ng aming impormante.

Marami na palang naiinis sa male personality, palagi siyang pinag-uusapan ng mga dati nang sanggan-dikit nu’ng bagitong pulitiko, maepal daw kasi ang aktor.

Huling hirit ng aming source, “Naku, siya ang palaging topic ng mga bulu­ngan du’n sa circle nila. Kung makaporma kuno kasi ang male personality, e, para bang siya ang nagpanalo du’n sa binubuntutan niya!

“Jusko, hinaharang niya pala ang mga lumalapit at dumidikit du’n sa politician, sobrang feeling ang lolo n’yo, inaalagaan na talaga niya ang kanyang position ngayon pa lang!

“Naku, huwag siyang pakasiguro, baka isang araw, e, bigla na lang siyang mawala sa inaalagaan niyang diskarte, baka mapagkaisahan siya!

“Kapag nangyari ‘yun, e, mapapayosi na lang siya, pipiliin niya ang brand na kapangalan niya!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Alex matatalim ang pinakawalang salita sa kampanya, inaapelang ideklarang persona non grata

Napanood namin ang video habang mayhawak na mikropono si Alex Gonzaga sa isang entablado de kampanya. Matatalim ang mga salitang binitiwan niya.

Ayon kay Alex ay ramdam daw niya ang kumakandidatong mayor sa nasabing siyudad, parang sa kanila lang daw na ang kalaban ng kanyang ama ay mandurugas din, nakawiwindang na deklarasyon ng dalaga.

Dahil sa kanyang sinabi ay maraming nag-uudyok sa nanalong mayor ng Parañaque na ideklarang persona non grata si Alex Gonzaga.

May mga nagkokomento pa na hindi lang ang kampo ng mga Olivarez ng Parañaque ang puwedeng gumawa ng hakbang laban kay Alex, dapat din daw siyang turuan ng leksiyon ng mayor ng Taytay na tumalo sa kanyang ama, galit na galit ang mga taga-Parañaque kay Alex.

Alam kaya ni Alex kung ano ang ibig sabihin ng salitang mandurugas? Alam kaya niya kung gaano katindi ang pakahulugan sa salitang ginamit niya sa entablado?

Ang mandurugas ay salitang kolokyal para sa magnanakaw at manloloko. Hindi gawang biro ang salitang ganu’n, siguradong aalma ang pinatutungkulan, tulad ng nagaganap ngayon sa aktres-TV host.

Totoong may pagkataklesa si Alex, padaskul-daskol siyang magsalita, pero dapat ay inaalam niya muna ang tunay na ibig sabihin ng mga salitang binibitiwan niya.

Hindi sapat na makapagsalita lang siya, hindi sapat na nagpahayag lang siya ng kanyang damdamin, dapat ay pinag-aaralan niya muna ang ibig sabihin ng mga akusasyong ipinupukol niya.

Isip-isip din kapag may time para hindi siya sumasabit sa kanyang kataklesan.

 

ALEX GONZAGA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with