Magnifico pa namang umarte, aktor ibinaon ang sarili sa bisyo
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 16, 2019 - 12:00am

Pilit siyang ibinabangon ng mga taong nagmamalasakit at nagmamahal sa kanya pero ang kilalang male personality talaga ang kusang nagbabagsak sa kanyang sarili.

Napakarami nang namuhunan ng pera at pagmamahal para siya maisalba pero siya talaga ang nagpapatihiga sa bisyo. Siya lang ang makapag-aahon sa kanyang sarili sa kinabukasang walang pangako.

Nu’ng isang gabi lang ay kumatok siya sa bahay ng isang dating kasama sa pelikula. Payat na payat ang male personality, palaging nakatulala, humihingi siya ng tulong na pampinansiyal sa kanyang nilapitan.

Kuwento ng aming source, “Malakas ang radar ni ____(pangalan ng male personality). Parang manghuhula rin siya. Alam niya kung saan nandu’n ang mga taong lalapitan niya.

“Parang siya ang humahawak ng schedule ng mga kasamahan niyang artista, alam niya kapag nasa house lang, alam din niya kung saan ang shooting at taping.

“Hindi siya binibigyan nang malaking halaga ng mga nilalapitan niya, pabarya-barya lang, dahil alam nila kung saan lang niya gagamitin ang mga nahihingi niyang tulong.

“Hindi na niya ginagamit na props ang anak niya, malaki na kasi ang bata. ‘Yun ang palagi niyang bitbit nu’ng sanggol pa ang anak niya. Tapos na siya du’n ngayon.

“Kung anu-ano namang dahilan ang sinasabi niya ngayon. Kesyo naputulan sila ng kuryente, pinalalayas na sa tirahan nila dahil wala silang pambayad, ang dami-dami niyang dahilan!

“Nagsawa na sa pagsuporta sa kanya ‘yung isang female personality na talagang ganu’n na lang kung magmalasakit sa kanya. Sa bandang dulo kasi, e, siya pa ang masama, ano nga naman ‘yun?

“Kahit ang mga kamag-anak niya, e, nanawa na rin, wala naman kasi siyang pinakikinggan, wala siyang pakialam sa mundo! Ang mga kasabayan niyang nagpa-rehab, e, nagtatrabaho na uli ngayon, siya na lang ang napag-iwanan!

“Kasi nga, siya mismo ang nagbabaon sa sarili niya sa pagbibisyo! Puro tropa ang inaatupag niya, puro pasarap sa buhay, paano siya makababawi kapag ganyan?

“Sayang na sayang ang male personality na ‘yun. Napaka-magnifico pa naman niyang umarte, pero wala siyang kadala-dala sa buhay!” inis na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Sinuportahan ni Willie parehong winner na winner

Dalawang entablado lang ang inakyatan bilang suporta ni Willie Revillame nu’ng nakaraang kampanyahan. Isa ang pinagbigyan niyang imbitasyon ni SAP Bong Go sa Batangas at ang kampanya ng ipinroklama nang bagong tagapamuno ngayon ng Quezon City na si Mayor Joy Belmonte.

Marunong pumili ng magwawaging pulitiko si Willie, dala-dala ang kanyang mga dancers at staff ay siya ang sumasagot sa lahat-lahat, ganu’n katinding sumuporta ang actor-TV host.

Naging kontrobersiyal pa nga ang pagsuporta niya kay Mayor Joy Belmonte, ayon sa mga katunggali ng bagong mayor ay dapat daw itong kasuhan ng vote buying, dahil sa pamimigay ng pera ni Willie nu’ng gabi ng kampanya.

Ang mapagkumbabang paliwanag ni Willie, “Bakit, pera ba ni Mayor Joy Belmonte ang ibinigay ko sa mga lumapit sa akin para may maipambili ng gamot? Kilala naman ako ng buong bayan sa mga ganu’ng sitwasyon.

“Hindi ako mapapalagay kapag hindi ako nakapag-abot ng tulong dahil alam ko ang kalagayan nila. May mga lumapit sa akin, pambili lang ng gamot ang kailangan nila, hindi ko kakayaning tiisin ang ganu’n.

“Ang pagtulong, e, beinte kuwatro oras, sa kahit anong lugar, kailangang bukas ang puso natin sa pagtulong,” madiing katwiran ni Willie.

Nu’ng Martes nang tanghali sa Take It… Per Minute ay nagpadala sa amin nina Manay Lolit Solis at Mr. Fu ang sikat na Wowowin host ng mga jacket at cellphone bilang papremyo sa aming mga manonood.

Huwag nang gawan pa ng intriga si Willie Revillame, nanalo na si Mayor Joy Belmonte, nanalo na ang team na minanok ng TV host sa Kyusi.

Ilang buwan na ang nakararaan ay maraming grupo ng mga pulitiko sa Quezon City ang pabalik-balik ng panliligaw sa kanya para tumakbong mayor ng siyudad.

Siya ang gustong ipangsabong ng mga ito kay Mayor Joy Belmonte. Pero ang lahat ng mga pangako ay pinakinggan lang niya wala siyang pinagbigyan, ang dahilan pala nu’n ay ang ikinakasang labanan niya ang mismong susuportahan niya sa laban.

BONG GO WILLIE REVILLAME
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with