Aktor wala nang planong patulan ang young actress na panay ang talak
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 15, 2019 - 12:00am

Walang kaplano-plano ang kampo ng isang kilalang male personality na sagutin ang mga pinagsasasabi ngayon ng isang magandang young actress laban sa kanya.

Mapapagod sa kalilitanya ang young actress, mamalatin siya sa kasisigaw, pero walang kahit anong salitang ibabalik sa kanya ang kampo ng male personality.

Bakit kaya tinatawag siyang ‘Atat’ ng kanyang mga katrabaho? Hindi siya tinatawag sa kanyang panglaan ng mga ito, Atat ang pangtukoy sa kanya, ano ba ang mga dahilan?

Isang source ang nagkomento, “Naku, minaster na rin ng young actress na ‘yun ang paggawa ng kung anu-anong kuwento para lang siya mapag-usapan!

“Kumuha kaya siya ng seminar sa isang female personality na genius sa ganu’ng linya? Nagkausap kaya sila? Pinayuhan kaya siya ng babaeng personality na ‘yun na ang mahalaga, e, ang nasa gitna siya ng aksiyon para hindi siya makalimutan ng mga kababayan natin?

“Sinabihan din kaya siya ng female personality na ‘yun na kahit ano lang, kahit walang kabagay-bagay, e, kailangan niyang gamitin para lang siya pagpiyestahan?

“Parang ganu’n kasi ang drama ngayon ng young actress na ito, kahit ano na lang, e, pinalulutang niya, mapag-usapan lang siya. Kaya nga Atat ang tawag sa kanya ngayon ng co-stars niya, atat na atat kasi siya sa publi­city!” simulang kuwento ng aming impormante.

Maganda man ang young personality at natatakot siyang maging karelasyon ng mga male personalities na nakakatrabaho niya, mahirap na raw, dahil baka sa susunod ay sila naman ang pagtripan ng atat sa publicity na young actress.

“Hindi alam ng marami na hindi pa man, e, may kakaiba nang feeling ang babaeng ‘yun. Nabigyan lang siya ng pagkakataong magbida sa isang serye, e, marami na siyang kaartehan.

“May mga tantrums na siya! May mga time na hindi siya nagsasalita, parang may sarili siyang mundo, naghahanap siya ng attention! Kung minsan, e, basta na lang siya umiiyak nang walang dahilan!

“Nakakaloka ang young actress na ‘yun! Napakaaga niyang nagkaganyan. Mukha pa naman siyang doll! Mahirap na nga naman kung maging karelasyon siya ng mga nagagandahan pa naman sa kanya, dahil baka sila ang maging next in line!” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Pamilya Estrada balot ng lungkot

Balot ng lungkot ngayon ang pamilya Ejercito-Estrada. Sa kasaysayan ng pulitika mula nang lumahok sila ay ngayon lang nangyari ang malungkot na pagkatalo ng pamilya.

Hindi nagtagumpay sa lungsod ng Maynila si Pangulong-Mayor Erap Estrada. Tinalo siya ng kanyang da­ting vice-mayor na si Isko Moreno.

Hindi rin nagtagumpay si Janella Ejercito sa pagtakbong mayor, si Francis Zamora ang tumalo sa kanya, hindi rin nagwagi si Edu Manzano sa pagkakongresista.

Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay nasa panglabinglimang puwesto si dating Senador Jinggoy Estrada, milagro ang kailangan ng aktor-pulitilko, para mapasama ang kanyang pangalan sa labingdalawang tumakbong senador na nangunguna sa bilangan.

‘Yun ang buhay-pulitika. Walang nakakaalam kung kailan sila magsisimula at magtatapos sa kanilang posisyon sa pamahalaan. Hindi lang naman sa pamilya Estrada nangyayari ang ganito.

Nu’ng taong 2001 ay nalanos din ang mga Revilla sa probinsiya ng Cavite. Talo silang lahat sa iba-ibang posisyon. Pero pagkatapos lang nang tatlong taon ay naging napakatamis ng kanilang pagbabalik.

May edad na si Mayor Erap, kailangan na niyang magpahinga bilang pulitiko, mas magandang gamitin lang niya ang panahon para sa pagpapasaya sa kanyang sarili.

Napakabata pa ni Janella, beinte siyete anyos lang ang panganay nina Senador Jinggoy at Precy Vitug, napakalawak pa ng mundong naghihintay para sa kanyang paglilingkod.

Nakakanerbiyos ang numerong meron ngayon si dating Senador Jinggoy, nakapako ang kanyang pangalan sa panglabinglima, sabi na ng marmai ay milagro talaga ang kailangan nito ngayon para manalo.

Kailangan nilang tanggapin ang katotohanan na hindi sa lahat ng panahon ay hawak nila ang tagumpay. At hindi pa katapusan ng mundo. Marami pang pagkakataong nakalaan para sa kanilang hangaring makapaglingkod sa ating mga kababayan.

EJERCITO-ESTRADA FAMILY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with