Madam aktres parang lipat-bahay ang bitbit na gamit sa taping
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - May 9, 2019 - 12:00am

Puro halakhakan ang maririnig sa paligid. Nag-aapiran pa ang mga magkakaharap dahil sa pagpipista nila tungkol sa isang kilalang babaeng personalidad na maraming kaechosan sa buhay.

Pagdating sa kaartehan ay walang kahit sinong makakakabog sa kanya, nang magsabog ng pagiging maarte ang langit ay nagbukas siya ng bubong ng kanyang bahay, kaya lahat ng kaartehang nahulog sa lupa ay nasambot niyang lahat.

Sa umpukang ‘yun ay magkakasama ang mga production staff na ilang beses niyang nakatrabaho sa ginawa niyang serye. Nakakaloka ang kanilang mga kuwento.

Sabi ng isang miron, “Awang-awa kami sa mga alalay niya, pati sa driver niya, dahil kapag dumarating na sila sa location, e, para silang naglilipat-bahay!

“Imagine, kulang na lang na buhatin nila ang buong kitchen ng madam nila para dalhin sa set! May dala-dala silang kagamitan na hindi naman ginagamit, pang-display lang, masabi lang na puro bongga ang mga gamit niya sa kusina!

“Nakakaloka siya! Masyado siyang flaunty, ang sikip-sikip na tuloy ng waiting area niya dahil sa mga dala-dala niyang kitchenware na wala namang saysay!

“Hindi naman siya nagluluto sa location, hindi rin naman siya namimigay ng food sa mga kasamahan niya sa trabaho, kaya para ano at dala-dala na niya halos ang buong kusina niya?” tawa nang tawang kuwento ng miron habang apiran naman nang apiran ang kanyang mga kaumpukan.

Alam din nila ang kuwento na kapag bumibiyahe ang kilalang female personality ay parang punebre ang kapaligiran. Tahimik na tahimik. Boses lang ng kanilang madam ang maririnig.

“Habang nasa biyahe pala sila, e, kulang na lang na mag-sign language ang mga kasama niya sa van. Bawal kasi silang mag-ingay, masyadong matalas ang pandinig ng madam nila!

“Siya lang ang may karapatang magsalita habang may kausap sa phone, halakhak siya nang halakhak na parang lukaret, nagkakatinginan na lang ang mga alalay niya!

“Nakakaloka ang hitad na babaeng ‘yun! Kung ano ang ipinagbabawal niya, e ‘yun naman ang ginagawa niya! Siya mismo ang bumubutas sa batas na pinaiiral niya.

“Kapag kausap niya na kuno ang lalaking type na type niya pero ayaw naman sa kanya, e, para siyang bulateng kislot nang kislot, nagpapa-cute, kaya naaalibadbaran ang mga nandu’n sa kanilang madam!” humahagalpak na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Aiko naubos na ang pasensiya sa mga nanghuhusga

May hangganan ang pasensiya, may limitasyon ang pang-unawa, kapag sobra na talaga ay kailangan nang kalusin ang ginagawang hindi kagandahan ng ating kapwa.

Pormal nang naghain ng kasong libelo laban sa kasalukuyang vice-governor ng Zambales si Aiko Melendez. Kung kinaya niyang palampasin lang ang mga naunang patutsada ng kalaban ng kanyang karelasyon sa posisyon, ngayon ay lantaran na ang pagrereklamo nang pormal ni Aiko, gusto niyang makaharap sa husgado ang babaeng kung anu-anong masasakit na paghusga ang ibinabato laban sa kanya.

Ang talagang pumutol sa mahabang pisi ng kanyang pasensiya ay nang magpalaganap ng fake news ang pulitiko na sangkot siya sa droga. Matinding akusasyon ang ganu’n, lalo na’t wala namang basehan, hindi makapapayag ang aktres na basta wasakin na lang ng kung sino ang imahe at pangalang ilang dekada niyang pinaghirapang buuin.

Tinawag na siyang kabit, nagpakalat na ito na maysakit siya sa balat, pero ang isangkot siya sa usapin ng droga ay talagang papalagan na ni Aiko Melendez.

Hindi naman siya ang katunggali nito sa posisyon kundi ang kanyang boyfriend na si Mayor Jay Khonghun, pero siya ang pinupuntirya ng babaeng pulitiko, kaya husgado na ang pinagsumbungan ni Aiko Melendez.

AIKO MELENDEZ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with