Naging paksa kasi ng batikos ni Tulfo si Regine sa kanyang palatuntunan matapos kastiguhin ng Asia's Songbird si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. patungkol sa sigalot ng Tsina at Pilipinas sa West Philippine Sea.
File; The STAR/Mong Pintolo
'Ako na lang': Ogie ipinagtanggol si Regine kay Tulfo tungkol sa Scarborough
James Relativo (Philstar.com) - April 25, 2019 - 12:47pm

MANILA, Philippines — Iminungkahi ng aktor at mang-aawit na si Ogie Alcasid ituuon na lang ni Ben Tulfo, isang broadcaster, ang kanyang pansin sa kanya at huwag na sa misis na si Regine Velasquez-Alcasid.

"Sir @bitagbentulfo . I offer my cheek to you. After you have maligned my wife I ask that you focus on me. She is after all a lady. God bless you sir," sabi 

Naging paksa kasi ng batikos ni Tulfo si Regine sa kanyang palatuntunan matapos kastiguhin ng Asia's Songbird si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. patungkol sa sigalot ng Tsina at Pilipinas sa West Philippine Sea.

"Ang foreign affairs, ang foreign relations na nauukol sa mga foreign issues ay para sa mga eksperto, at hindi para sa mga pipit at mga trying hard, you wannabe that never was, and never will be," sabi ni Tulfo sa "BITAG Live" nitong Lunes.

Maliban dito, tinawag din niyang "palaos" at pakawala ni Bise Presidente Leni Robredo si Regine.

"Ikaw naman Leni, kumukuha ka ng mga taong ipangsasalang mo, ipangtapat mo, hindi tayo nagbibiro dito. 'Pag pinag-uusapan itong dispute natin, itong isyu dito sa West Philippine Sea hinggil sa Tsina, aba'y madaling magsalita. Parang diarreha ang bibig [mo]," sabi niya sa kanyang palatuntunan.

Kwinestyon din niya ang katalinuhan ng mang-aawit, na 'di natuwa sa sinabi ni Locsin na walang nakikipagdigmaan para sa pagkain.

Una nang naiulat ang pangunguha ng mga Tsina ng mga taklobo (giant clams) sa lugar, dahilan para lumiit ang huli ng mga Pilipinong mangingisda.

Tumugon naman si Tulfo sa Tweet ni Ogie at sinabing nire-respeto niya ang talento ng kanyang misis sa pagkanta, ngunit sana'y huwag na raw siyang makialam sa problema.

"I am not here to hurt anyone. I am talking with sincerity and truthfulness. this is a serious issue. Tell your wife to focus in her career. Please, not Foreign relations and issues. I do respect you and your wife," sabi ng komentarista.

Sa kabila ng palitan ng salita, sinabi ni Ogie na nirerespeto naman daw niya ang pananaw at suwestyon ni Tulfo sa kanila.

"Thank your for your reply and your sincere advice. I respect your view on these matters also. God bless always," dagdag niya.

Sa isang Tweet ngayong umaga, nagpasalamat naman si Regine sa lahat ng fans na nagtanggol sa kanyang posisyon.

Aniya, mas mabuti raw na isantabi na lang ang isyu upang hindi na tuluyan pang humaba.

Matagal nang nababatikos ang administrasyon ni Duterte dahil sa diumano'y pagiging malambot ng kanyang tindig laban sa panghihimasok ng Tsina sa teritoryo ng bansa.

Kilalang malapit na magkaibigan si Chinese President Xi Jinping at Digong.

Sa kanyang palatuntunan, siniguro naman ni Tulfo na hindi nagsasawalangbahala ang gobyerno. "Mismo ang Pangulong Duterte ang nagsalita: stay away, China," sabi niya sa kanyang palatuntunan.

"[M]as maganda, ang pangulo na ang mag-usap at pangulo ng Tsina, pagpunta niya sa Tsina para mapag-usapan nang may diplomasya. Although nakikita natin, mga bully talaga itong mga Chinese," dagdag ni Tulfo.

Kasalukuyang nasa Tsina si Duterte para sa ikalawang Belt and Road Forum.

Ang pinag-aagawang lugar na Scarborough Shoal, na kilala rin sa pangalang Panatag Shoal at Bajo de Masinloc, ay nasa loob ng 200 nautical mile exclusive economic zone ng Pilipinas.

Bagama't kinatigan ng Permanent Court of Arbitration ang Pilipinas noong 2016 at ibinalewala ang nine-dash line claim ng Tsina, kinikilala ng tribunal bilang "common traditional fishing ground" ang lugar.

Sumikat sa kanyang palabas na "Bitag," kasalukuyang anchor ng PVT4 public service program na "Kilos Pronto" si Ben Tulfo.

Nadadawit sina Tulfo at dating Tourism Secretary Wanda Teo, kanyang kapatid, matapos makitaan ng anomalya ng Commission on Audit ang isang advertisement deal na nagkakahalaga ng milyun-milyon.

Bagama't ipinangako ng kanilang kampo na isasaoli nina Tulfo, sa pamamagitan ng Bitag Media Unlimited Inc., ang nakuhang P60 milyon, hindi pa ito naibabalik hanggang sa ngayon.

BEN TULFO DFA OGIE ALCASID REGINE VELASQUEZ SCARBOROUGH SHOAL TEODORO LOCSIN JR.
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with