Dala hanggang ngayon may anak na, tisay na aktres bata pa lang nang magsimula ang kamalditahan!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - April 23, 2019 - 12:00am

Kahit pala nu’ng batambata pa ang isang kilalang female personality ay wala na siyang pinakikinggang kahit sino. Hindi siya sumusunod sa mga sinasabi ng kanyang ina, deadma rin siya sa payo ng kanyang mga tiyahin, may sariling mundo siya.

Kapag naiimbita siya sa birthday party ay malaking problema ang female personality na ito ng kanyang yaya. Nang-aaway siya ng kanyang mga kapwa bata, nananampal at nananabunot siya, mabuti na lang at nakaiintindi ang mga magulang ng mga batang sinasaktan niya.

Kuwento ng aming source na nakasubaybay sa paglaki ng tisay na female personality, “Salbahe na siya kahit nu’ng batambata pa lang siya. Kung ano ang gusto niya, e, kailangan niyang makuha sa kahit anong paraan!

“Saan ka naman makakakita ng batang inimbitahan lang sa children’s party, pero siya ang may gustong mag-blow ng candle at hindi ang may birthday?

“Ganu’n siya! Iiyak siya, maglulupasay sa ve­nue, hirap na hirap ang yaya niya dahil sinasampal niya! Kung anak ko ‘yun? Naku, hindi puwede ang kalokohan niya!

“Du’n pa lang, e, makikita mo na agad kung anong ugali meron ang batang ‘yun! Nang-aagaw siya ng laruan ng mga kapwa niya bata, samantalang lahat naman sila, e, merong giveaways?” napapailing na kuwento ng aming impormante.

Bitbit ng bata ang ganu’ng ugali hanggang sa kanyang paglaki. Hindi siya nakikinig sa kanyang mommy, namamaos na ang boses nu’ng mommy niyang artista rin, pero deadma lang ang girl.

Balik-kuwento ng aming source, “Naluma ang lahat sa kanya. Kahit ang mga tita niya, hindi rin pinakikinggan ng matigas ang ulong batang ‘yun! Wala talaga siyang pinakikinggan!

“Hanggang sa nag-artista na nga siya, marami rin siyang inaaway! Pero ang pinakamatindi, e, nu’ng maging preggy siya. May nagawa ba ang mommy niya? May nangyari ba sa payo ng mga tiyahin at ibang mga kamag-anak nila?

“Waley! Ginawa pa rin niya ang gusto niya, ginawa pa niyang pahulaan kung sino ang tatay ng dinadala niya, di ba? Pasaway talaga ang batang ‘yun!

“Dahil nasa tamang age na siya ngayon, sana naman, e, magkaisip na siyang magbago. Pero wala pa rin! Gagawin niya kung ano ang gusto niya! Siya pa rin ang kailangang masunod, hindi pa rin siya nakikinig sa mga sinasabi ng mga nakatatanda sa kanya!

“Magbago na sana siya habang may panahon pa. Nakakaawa siya kapag nawala ang mommy niya, sino pa ang titingin sa kanya? Nakakaawa siya kapag nagkataon. Mag-isa siyang mabubuhay sa mundo,” napapailing uling pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Daniel at Kathryn marunong magtiis para sa trabaho

Nakakatuwang tingnan ang unang pagduduop nina Da­niel Padilla at Kathryn Bernardo nang dalawin ng guwapong aktor ang kanyang girlfriend sa Hong Kong.

Para silang mga bata na hindi nagkita nang mahabang panahon. ‘Yung lundag na ‘yun ni Kathryn sa bewang ni Daniel ay hindi kalimut-limot, lock na lock ang magkabilang hita ni Kathryn sa kanyang boyfriend, parang ayaw na nilang magkahiwalay.

Mahirap din kasi ang kanilang sitwasyon, sa ngalan ng propesyonalismo ay kailangan muna nilang magkalayo kahit pa birthday ni Daniel, kaya nilang isantabi ang kanilang personal na relasyon para sa kanilang trabaho.

Sanay pa naman silang palaging magkasama, hindi na halos sila naghihiwalay, pero kailangang pagtiisan nila ang pagiging malayo sa bawat isa para sa kanilang mga career.

Sana’y tularan ng iba sina Daniel at Kathryn na alam kung ano ang kanilang prayoridad sa buhay. Mahal nila ang isa’t isa pero may mga pagkakataong kailangan nilang pansamantalang magkalayo dahil ‘yun ang kailangan.

Umuusad na ang shooting ng ginagawang pelikula nina Kathryn at Alden Richards sa Hong Kong, ilang panahon pa at pauwi na rin sila para dito na ituloy ang kanilang mga eksena, magkalapit na uli sina Daniel at Kathryn.

At tuloy na uli ang kanilang ligaya. Sakripisyo nang kaunti, pero makabuluhang pagtitiis naman, at pagkatapos nu’n ay sila na uli ang magkasama sa araw at gabi.

DA­NIEL PADILLA KATHRYN BERNARDO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with