Daniel ginulat si Kathryn sa Hong Kong!
SHOWBIZ GANERN! - Gorgy Rula (Pilipino Star Ngayon) - April 21, 2019 - 12:00am

Parang Easter Sunday na ang Biyernes Santo ng magkasintahang Daniel Padilla at Kathryn Bernardo nang magkita sila sa Hong Kong nung kamakalawa lang.

Sinorpresa  ni Daniel  sa Hong Kong si Kathryn, kaya mangiyak-ngiyak sa tuwa ang Kapamilya young actress.

Inaalam ko pa sa source namin sa Hong Kong kung hanggang kailan doon si Daniel, pero ang nakita ko lang ipinost ng mga fan ay ini-enjoy ng  dalawa ang pano­nood ng video nilang Ikaw ang Mundo na ipinost sa kanilang Instagram kahapon.

Nasa IG account ni Daniel ang video na yun na may caption na “Isang Produkto ng Pagmamahal.”

Kaya kilig-kiligan ang  fans sa sweetness ng dalawa, lalo na si Daniel na talagang nag-effort na pumunta roon para makasama lang sa holiday ang kasintahan.

Ang wish nga ng fans na sana magkasama pa raw sila roon sa birthday ni Daniel. Pero sa April 26 pa ang birthday niya kaya medyo matagal-tagal pa.

Tuluy-tuloy pa rin kasi roon ang shooting ni Kathryn ng Hello, Love, Goodbye na mas maraming eksena sa Hong Kong kesa kay Alden Ri­chards. Kaya magtatagal pa roon si Kathryn.

Si Alden naman ay napaaga nang balik ng bansa dahil sa April 24 na ang blessing ng McDo niya sa Biñan, Laguna, at sa April 26 na ang grand opening.

Ang ibang cast naman ng naturang pelikula ay umuwi muna para dito mag-Holy Week, at babalik na lang pagkatapos ng bakasyon.

Samantala, may ilang fans naman ang patola sa ilang post na naglalandi si Kakai Bautista kay Alden.

Super selos ang iba, pero karamihan naman ay naintindihan nila ang style ni Kakai.

Jasmine negosyante na rin

Bakasyon and at the same time work na rin si Jasmine Curtis-Smith na nag-Semana Santa sa La Union.

Pagkatapos ng presscon ng Kapuso actress para sa pelikulang Ma­ledicto nung nakaraang Martes, April 16, nagbiyahe na siya pa-La Union para tumulong sa itinayong negosyo ng boyfriend niyang si Jeff Ortega.

Nagtayo kasi roon ang boyfriend niya ng Bed and Breakfast kasama ang ilang partners nito at nakipagsosyo na rin si Jasmine.

Gusto na rin daw kasi nilang mag-invest ng negosyo nila, at parang training na rin daw ito kay Jasmine na gusto na ring magkaroon ng sariling negosyo.

“Primarily this is the project of my boyfriend and his two partners and I decided to join on this venture para I can start learning for my one or the next one which will be mine and Jeff’s,” pakli ni Jasmine nang nakatsikahan namin sa nakaraang presscon ng Maledicto na magsu-showing na sa May 1.

Maaring paghahanda na rin nila ito pagdating ng araw na mag-settle down na sila.

Pero hindi pa raw sa ngayon, sabi ni Jasmine.

Marami pa raw siyang gustong gawin at matupad bago planuhin ang kasal.

“Parang mutual understanding na namin na you know we’ll start off with this. Ako, on my own especially ang dami ko pang gustong ma-achieve and on my own na hindi kasama siya as a boyfriend or a lifetime partner na or husband already.

“Siyempre, gusto kong ma-experience din yung mga ganitong process or mga ganitong learnings and I mean other learnings, other than what we experience together di ba?” saad ni Jasmine.

“Ang dami ko pang gusto pa. Ang dami ko pang dreams na need na ma-accomplish on my own.

“As a sister, as a daughter sa sarili ko o parang mga self-discovery ba o paghihilom sa mga nangyari before na hindi ko pa rin maintindihan o hindi pa rin maka-move on para rin hindi ko siya dala-dala as a person,” sabi pa ng Kapuso actress.

Pagkatapos ng special participation ni Jasmine sa Sahaya, marami ang nagsasabing dapat na mabigyan na siya ng GMA 7 na magandang project.

Sa ngayon ay may mga tinatapos pa siyang pelikula, at abala sa promo ng Maledicto para sa May 1 showing nito.

DANIEL PADILLA KATHRYN BERNARDO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with