Super bokya sa survey, female personality hindi pa tumatakbo wala na agad pag-asang manalo!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - March 24, 2019 - 12:00am

Nagkaroon pala ng pagkakataong sineryoso ng isang pamosong female personality ang pagpasok sa mundo ng pulitika. Palagi niyang sinasabi na hindi, pero sa likod pala ng kanyang pagdedenay, ay pumasok din sa kanyang utak ang pulitika.

Palaging bantilawan ang pagdedesisyon ng female personality, nakakatakot siyang tayaan, dahil pabagu-bago ang takbo ng kanyang isip.

Oo ang sagot niya ngayon, pero bukas ay puwede nang hindi, magulo ang kanyang utak na markado na ng mga taong malapit sa kanya.

Kuwento ng aming source, “Totoo ‘yun, may time na ikinonsider niya ang pagpasok sa politics. Sabi siya nang sabing hindi, pero ang totoo, nagpakilos na siya ng mga tao para amuyan ang mga lugar na gusto niyang takbuhan.

“Dalawa ang pinamimilian niya. Puwede siyang tumakbo sa probinsiya nila, puwede rin namang dito sa Manila. Aayaw-ayaw siya, pero gusto talaga niya ‘yun!

“Kaso, negative info ang nakarating sa kanya mula sa mga taong pinagalaw niya kung ano ang kahihinatnan niya sa mundo ng pulitika.

“Sa probinsiya nila, e, sirang-sira na ang image niya, ayaw sa kanya ng mga tagaroon, dahil kung anu-ano raw kasi ang mga pinaggagagawa niya!

“So, sarado na ang utak niyang tumakbo sa probinsiya nila, di ba? ‘Yung dito sa Manila ang pinaamuyan niya. Sa isang malaking city niya gustong tumakbo.

“Pero mas matinding negatibong impormasyon ang natanggap niya, walang-wala siyang panalo sa tina-target niyang city, bokyang-bokya siya! Siguradong lotlot siya kapag du’n niya naisipang kumandidato!

“Napakalakas ng makakalaban niya, walang-wala siyang laban, sa totoo lang! Mabobokya lang siya nang husto sa pulitikong palaging nangunguna sa survey sa city na ‘yun!

“Kahit ang mga tatakbong kalaban ng politician na ‘yun, e, siguradong kakain din ng alikabok, walang-walang kapana-panalo!

“Bigla siyang nag-isip, ayaw nga pala ng female personality na ito na natatalo siya sa kahit anong laban! Bakit pa nga naman niya itataya ang pangalan niya sa walang panalong plano, kaya bigla siyang tumiklop, hindi na siya papasok sa politics!

“Gusto lang kasi niyang mang-inis! Gusto lang niyang manggulo! Kaso, ang papasukin pala niyang kuwadra, e, walang kapani-paniwala sa kanya!” mahabang kuwento ng aming impormante.

Ubos!

Richard Reynoso nakitaan ng cancer sa lalamunan!

Habang sinusulat namin ang kolum na ito ay nag­hahanda na para sa isang matinding laban ang mi­yem­bro ng The OPM Hitmen na si Richard Reynoso.

Isang major operation ang pagdadaanan niya sa Cardinal Santos Hospital dahil nang i-biopsy ang no­dule na nakita sa kanyang lalamunan ay may cancer cells pala siya sa papillary glands.

Kailangang maagapan agad ang natuklasan ng mga doktor, sasailalim siya agad sa proseso ng thyroid surgery, para hindi na lumala pa ang kanyang sakit.

Tinanggap nang maluwag sa kalooban ni Ri­chard at ng kanyang misis na si Amor ang resulta ng biopsy, pero nandu’n ang matinding pag-aalala, dahil ang nakitang nodule ay malapit na malapit sa voice box ni Richard.

Pagkanta ang kanyang hanapbuhay, ang kanyang husay sa pagkanta ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya, kaya ang dasal ni Richard ay huwag na huwag sanang maapektuhan ang kanyang boses pagkatapos ng operasyon.

Nu’ng huling concert ng The OPM Hitmen sa Zirkoh na kami ang nagprodyus ay alam na namin ang kanyang sitwasyon. Komonsulta pa sila sa ibang doktor para sa second at third opinion, pero ganu’n din ang resulta, kailangan na niyang magpaopera.

‘Yun din ang aming dasal para kay Richard Reynoso, ang sana’y maisalba ang kanyang boses pagkatapos niyang magpaopera at magpagaling, bukod sa pagi­ging mahusay na singer ay mabuti siyang tao.

Dumaan din sa ganu’ng operasyon ang kasamahan niyang si Chard Borja, nagka-cancer din sa thyroid ang singer, pero ngayon ay aktibo na uli ito sa pagkanta kasama ang The OPM Hitmen.

Hangad namin ang positibong resulta ng pagdadaanang major operation ni Richard Reynoso, mahal na mahal niya ang kanyang propesyon, at marami ring nagmamahal sa kanya.

SUPER BOKYA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with