Komedyante-TV host ibinasura ng minahal/kinabaliwang lalaki
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 12, 2019 - 12:00am

Binalikan ang misis

Kung ang mga taong nakapalibot sa kanya ngayon ang tatanungin ay nagluluksa ang puso ng isang sikat na komedyante-TV host. Walang kasinglungkot ayon na rin sa kanyang mga kaibigan.

Inaatake ng depresyon ngayon ang male personality dahil pagkatapos nang ilang buwan ng kaligayahan ay bigla na lang pumasok ang isang sitwasyon na ni sa panaginip ay hindi niya nakitang mangyayari pala.

“Magaling lang siyang magdala. Alam n’yo na, image niya ang pagpapasaya, kaya pinaninindigan niya ‘yun, kahit pa gusto na niyang humagulgol sa ere. Malungkot ang puso niya, pero wala nga namang pakialam du’n ang mga tumututok sa show niya!

“So, nakikisabay na lang siya sa agos, kapag masaya ang kanyang mga katropa, kailangang maging masaya na rin siya, kesehodang gusto na niyang humagulgol on the air,” buwena-manong kuwento ng aming source.

Kasi nga ay may naganap na hindi niya inaasahan. Akala niya ay magiging matagal ang pagsasaya nila ng bago niyang natagpuang karelasyon. Pero hindi pala.

Balik-kuwento ng aming impormante, “Feeling ng mga friends niya, e, ginamit lang siya ng guy para makalimot sa problema. Feeling nila, e, pinatikim lang ng guy ang kaibigan nila. Parang binigyan lang ng candy, tapos, biglang binawi, ganu’n!

“Masakit, kasi nga, parang ganu’n-ganu’n na lang na itinapon ng guy ang maganda nilang pinagsamahan. Nagkasundo lang sila ng wife niya, e, basta na lang niya iniwang nakanganga ang taong nagpakita ng lahat ng maganda sa kanya nu’ng nalulungkot siya.

“Ganu’n na nga lang ba naman ‘yun? Matapos niyang gamitin, ganyan-ganyan na lang? E, takot pala siya sa wife niya, e, bakit siya nagpanggap na mahal niya ang komedyante-TV host?

“Pinainan niya ng kung anu-anong kapekean ‘yung tao, napamahal na kuno sa kanya, pero isang senyas lang naman pala ng girl, nasyokot na siya!

“Natural, napakasakit nu’n para sa komedyante, talagang dinamdam niya ‘yun, depressed na depressed siya, kasi nga, e, pinaniwala siya ng lalaking ‘yun na mahal na mahal siya!

Nagpapatawa pa rin siya, pero umiiyak ang puso niya. Wala siyang choice, ‘yan ang trabaho niya, ang magpasaya sa mga fans, kesehodang gustung-gusto na niyang maglupasay dahil sa nangyari sa kanya,” pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Alden nagbubunga ang ‘paglingon’!

Nagbubunga talaga ang pagiging mapagkumbaba, walang kaangas-angas sa katawan, pagiging mabait at kahusayan sa paghawak ng kinikita.

Ang lahat ng katangiang binanggit namin ay hawak ni Alden Richards. Sangkatutak nang kuwento ng kabaitan ng Pambansang Bae ang nasusulat namin ayon na rin sa papuri ng aming mga nakakakuwentuhan.

May istorya sa airport, sa loob mismo ng eroplano, sa location shooting, sa napakaraming pampublikong lugar kung saan nila nakikita si Alden.

Parang apoy na kumakalat ang mga ganu’ng kuwento, sabi nga ng isang nakausap naming PR expert, one is to ten kada ulo ang epekto ng ganu’ng senaryo.

Sabi nito, “Nabaitan sa kanya ang isang kababayan natin, hindi lang naman ang taong ‘yun ang makakaalam ng ginawa niya. Ikukuwento ng taong ‘yun sa mga friends niya ang pagi­ging mabait ni Alden, ibibida naman ‘yun ng pinagkuwentuhan sa mga kaibigan niya. So, in totality, nasa ten people ang makakaalam ng magandang gesture niya,” ayon sa aming source na PR expert.

Napakahalagang hindi nagbabago ang ugali ng personalidad kahit pa sumikat na siya nang husto. Du’n kasi siya huhusgahan, may kumakasya pa bang sombrero sa kanyang ulo, nalunod na ba siya sa isang baso ng tubig na popularidad?

At mula nu’n hanggang ngayon ay walang nagbabago kay Alden, kung ano siya nu’ng naghihintay pa lang siya ng bunga ng kanyang mga pangarap, hanggang ngayong sikat na sikat na siya ay nananatiling nakatanim sa lupa ang kanyang mga paa.

Puro papuri ang tinatanggap niya mula sa mga taong nakakaengkuwentro niya sa kung saan-saan. May mga tao mang nanggugulo sa kanyang buhay at career ay kitang-kita naman na hindi lang masaya sa kanyang tagumpay ang mga ‘yun, puwede ring galing sa ibang kampo, ‘yun ang mga naninira sa kanya nang walang basehan at pruweba.

Malayung-malayo pa ang mararating ni Alden Richards, walang artistang naliligaw ang kasikatan kapag nananatiling walang ere, lalo na kung marunong lumingon sa kanyang pinanggalingan.

ALDEN RICHARDS.
Philstar
  • Latest
Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with