Female personality na laos, gamit pa more sa mga sikat para pag-usapan
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - December 8, 2018 - 12:00am

Ayon sa mga dalubhasa ay matinding sakit ding maitutu­ring ang pagiging KSP o kulang sa pansin. Kapatid pala ‘yun ng depresyon. Malungkot ang isang tao kapag hindi na siya pinag-uusapan.

Sobrang lungkot ang kanyang nararamdaman kapag parang binabalewala na siya ng lipunan. ‘Yun ang dahilan kung bakit kahit ano na lang ay ginagawa niya para lang siya makakuha ng atensiyon.

‘Yun ang bumubuhay sa kanya, kailangang palagi siyang laman ng mga balita, kailangang tinatapunan siya ng pansin sa mundong ginagalawan niya.

Kumpirmadong hindi gumagamit ng ipinagbabawal na gamot ang isang female personality. Walang-wala sa kanyang bokabularyo ang droga. Pero ibang-iba ang kanyang bisyo.

Kuwento ng aming source, “Kapag hindi na siya napag-uusapan, e, hindi na siya mapakali. Parang may kung anong kulang sa buhay niya, parang isda siya na inilagay sa lupa na hindi makahinga.

“Kapag ganu’n na ang nararamdaman niya, e, kailangang gumawa na siya ng paraan para sumigla ang buhay niya. Kailangan niyang mag-ingay, kailangan niyang gumawa ng gimik para lang siya mapag-usapan.

“At ganu’n nga ang nakasanayan na niyang gawin. Ang mag-ingay, ang gumawa ng mga kuwentong parang siya lang naman ang nakakaalam at naniniwala,” simulang kuwento ng aming impormante.

Pinipili pala ng female personality kung sino ang babanggain niya. Kailangang sikat ang pupuntiryahin niya para siguradong mapag-uusapan siya.

Balik-kuwento ng aming source, “Wala siyang pinipiling awayin. Puwedeng sikat na artista ang banggain niya, puwedeng mataas na opisyal ng gobyerno, puwede rin namang kasamahan niya sa trabaho.

“Pero kailangang sikat ang babanggain niya, ang common denominator, e, sikat dapat ang kakalabanin niya! Para ano pa nga naman at magpapapansin siya kung hindi naman pala kapansin-pansin ang kalaban niya?

“Hindi talaga siya mabubuhay nang wala siya sa gitna ng action, kailangang may isyung sangkot siya, dahil kahit mukha na siyang cheap sa pinaggagagawa niya, e, panalo ang wish niyang maging sentro siya ng attention ng publiko.

“Ibang klase rin ang babaeng ‘yun! Bakit kaya siya nagkakaganyan, nagkaroon kaya ng epekto sa buhay niya ang pagbuka-bukaka niya sa entablado?” nakataas pa ang kilay na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Karisma ni Willie walang pagbabago

Sa pinakaunang pagkakataon mula nang lumipat si Willie Revillame sa GMA-7 ay nu’ng nakaraang Huwebes nang gabi lang kami nakadalaw sa Wowowin.

Madalas niya kaming imbitahang magpunta sa studio, pero hindi ‘yun natutuloy, hanggang sa samahan namin sa kanya si John Melo na dating OPM singer na matagumpay nang negosyante ngayon sa Amerika.

Nakakalula ang laki ng dressing room ni Willie. Maayos na nakasalansan ang kanyang mga kagamitan, siya pa rin ang Willie Revillame na nakilala naming ayaw ng may kalat sa kanyang paligid, napakagandang pagmasdan ang kanyang mga polo na naka-hanger na magkakatabi ang kulay.

Kung blue ang polo ay puro blue rin ang magkakahanay, kung pula ay puro pula lang ang magkakatabing naka-hanger, kahit sa kanyang mga bahay ay ganu’n din ang pagkakaayos ng kanyang mga personal na kagamitan.

Parang bahay niya na rin ang kanyang dressing room. Sariling kuwarto na niyang maituturing ‘yun dahil lahat ng mga kailangan niya sa araw-araw ay nandu’n na rin.

At kung napakakumportable ng kanyang dressing room ay ganu’n din ang kanyang di­ning room. Kasabay niya kasing kumakain ang kanyang production staff, kung ano ang kinakain ng actor-TV host ay ganu’n din ang pagkain ng kanyang mga katrabaho, walang host-host para sa kanya.

Napakahaba ng pila ng mga gustong makapasok sa Wowowin. Mula pa sila sa malalayong probinsiya, nakasuot sila ng magkakaparehong t-shirt dahil kapag kinarir nila ang ganu’n, siguradong mahina ang sampung libong papremyo mula sa kanilang Kuya Wil.

Mga dating mukha pa rin ang aming nakita, halos walang nawala sa dating staff na bitbit niya sa kahit anong network siya lumipat, maayos mag-alaga ng kanyang mga staff si Willie.

Paglabas niya ng entablado ay parang may sabong sa sobrang ingay ng audience. Mainit na mainit ang pagtanggap sa kanya ng aming mga kababayan.

Kung anong magneto meron si Willie Revillame ay hindi pa rin namin mahanap ang sagot hanggang ngayon. Basta, malakas manghigop ang hawak niyang karisma, kaya wala na siyang mahihiling pa ngayon sa kanyang buhay at karera.

WILLIE REVILLAME
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with