Dating actress/singer tuloy ang pamamalimos sa casino!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - July 11, 2018 - 12:00am

Magkahalong emosyon ang nararamdaman ng mga nakakakita sa isang female personality na pinaninindigan na ang pagkalulong sa bisyo ng sugal. Sa casino na siya literal na nakatira.

Sabi ng mga nandu’n, kahit daw ang mga lamok at daga sa casino ay kilalang-kilala na ang dating nagpapaseksing aktres, dahil araw-gabi siyang nandu’n.

Kuwento ng isang source sa mausok at mataong lugar, “Nakakaawa siya na nakakainis, kasi, puwede naman niyang baguhin ang direksiyon ng buhay niya, pero parang ayaw na talaga niya.

“Nagmumukha na siyang beggar, namamalimos na lang siya ng ikinabubuhay niya, palagi siyang nakabantay sa mga manunugal para lang magkaroon siya ng datung. Dumating na siya sa ganu’ng point, sa totoo lang.

“Kapag nagugutom na siya, hihingi siya ng pangkain sa mga nagsusugal, binibigyan naman siya ng barya-barya, puwede na sa kanya ang ganu’n. Nakikipaligo na lang siya sa CR ng casino, natutulog sa mga sofa du’n sa receiving area, ilang beses na siyang kinausap ng management na huwag natutulog du’n, pero balik at balik pa rin naman siya,” napapailing na kuwento ng aming source.

Isang mayamang negosyante ang nagtangkang baguhin ang kanyang buhay, ibabahay na sana siya, pero wala ring nangyari. Ilang buwan lang ay iniwan na rin niya ang may edad na businessman.

Patuloy ng aming impormante, “Hindi tahimik na buhay ang gusto niya, mas gusto niya ang ganyan na pakalat-kalat lang siya sa casino. Umaasa siyang maaabutan ng mga nananalo, mababalatuhan ng mga sinusuwerte, talagang sinayang na niya ang magandang buhay niya nu’n.

“Nu’ng minsang kumustahin siya ng isang male personality dahil namukhaan siya, e, tumalikod siya agad. Parang tinalikuran na niya ang mga taga-showbiz, ibang-iba na ang mundo niya ngayon,” impormasyon ng aming source.

Nakita rin siya nu’ng minsan ng mga empleyado ng casino na parang batang gumagapang sa pagitan ng mga mesa ng mga manunugal. Umaasa pala siyang makakapulot ng chips na puwede niyang ipalit sa kahera.

“Nakapanghihinayang siya. May mga pinagbidahan siyang pelikula nu’n, magaling din siyang singer, pero bakit siya nagkaganyan? Malakas pa siyang uminom, mukhang may iba pa siyang pinagkakaabalahang bisyo, sinira na talaga ng babaeng ‘yun ang buhay niya!

“Ang dali-dali pa namang tandaan ng name niya, alalahanin mo lang ang isang kotseng kuba, siya na ‘yun!” pailing-iling na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Jinggoy hindi nakakalimot dumalaw kay Bong

Maitatangi ang pagkakaibigang meron ang mga da­ting senador na sina Jinggoy Estrada at Bong Revilla. Ilang buwan na ngayong nakalalaya si Senador Jinggoy pero ang paglimot sa kanyang kaibigang naiwan pa sa PNP Custodial Center ay wala sa kanyang bokabularyo.

Regular ang kanyang pagdalaw sa kanyang Kumpareng Bong, alam nito ang buhay sa loob, kaya habang dinidinig pa ang kaso ng kanyang kaibigan ay palagi lang itong nakasuporta.

Sa huling pagkikita namin ng aktor-pulitiko ay ang mabilisang paglaya ng kanyang kumpare ang kanyang hangad. ‘Yun ang palaging laman ng kanyang mga dasal.

“Kahit nakalaya na ako, e, hindi pa rin kumpleto ang damdamin ko, nasa loob pa si Pareng Bong. Sana nga, maging mabilis na ang proseso para magkasama na kami,” pahayag ni Senador Jinggoy.

Sa takbo ng mga pinakahuling pangyayari ay mukhang lumilinaw na ang sitwasyon ni Senador Bong. Nabaligtad na ang senaryo dahil ang mga taong inaasahang magdidiin sa kanya ang mismong parang nagbubukas na ng pintuan para sa kanyang kalayaan.

Nilinis ng mga witness ang pangalan ni Senador Bong, wala siyang dapat panagutan sa kasong plunder na mahigit na apat na taon na niyang pinagdudusahan ngayon, dahil kitang-kita ng saksi kung sino ang dapat madiin sa usapin.

Umaasa ang mga tagasuporta ni Senador Bong na magtutuluy-tuloy na ang positibong takbo ng pagdinig sa kasong nagbigay nang matinding sakripisyo sa kanya. Hangad ng mga nagmamahal sa aktor-pulitiko na sana’y bigyan ng bigat ng Sandiganbayan ang napakalinaw na salaysay ng iniupong witness na awang-awa na sa buhay ng senador sa loob ng kulungan.

Matindi rin ang panalangin ni Mayor Lani Mercado at ng kanilang mga anak na sana’y matuldukan na ang mahabang panahon ng pagdurusa ni Senador Bong. Mabuo na sana uli ang kanilang pamilya.

BONG REVILLA JINGGOY ESTRADA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with