Young actor na wala pang napapatunayan, lutang na lutang ang kaangasan!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - July 8, 2018 - 12:00am

Bendikado ang mga impormanteng unang naglantad sa kaangasan ng isang young actor. Sila pa ang lumabas na sinungaling nu’n dahil nilinis ng batang aktor ang kanyang pangalan. Hindi raw siya maangas. Wala raw siyang kayabangan sa katawan.

Wala pa mang maipagmamalaki ay pansin na agad ang kaangasan ng mestisong young actor. Nagpaparamdam na siya ng kung anu-anong kanegahan sa set ng isang proyektong ginawa niya.

Tingin siya nang tingin sa kanyang relo, parang inip na inip siya sa kanyang ginagawa, samantalang bayad naman ang kanyang maghapon at kapiraso ng kanyang magdamag.

Kuwento nu’n ng aming source, “Alam mo bang maraming kuda ang lalaking ‘yun habang nagtatrabaho siya? Kalalaking tao niya, ha? Panay-panay ang kuda niya na kesyo wala pa raw siyang tulog.

“Wala pa raw siyang pahinga dahil sunud-sunod ang work niya! Ganu’n pala’t sumusuko na siya sa pagod, e, bakit tanggap pa rin siya nang tanggap ng trabaho? Nag­rereklamo pa siya, e, pinapangarap nga ‘yun ng mga kasamahan niyang artista?” inis na pahayag ng impormante.

Magyabang daw ang young actor kung may talento siya, kung may itinatago siyang husay sa pag-arte, kaso nga ay wala naman. Hamonado siyang umarte.

“Cause of delay kaya siya? Paulit-ulit na kinukunan ang mga eksena niya, kasi nga, walang sincerity na rume-register sa mukha niya! Wala talaga, as in, para siyang lalaking tuod kung umarte!

“Palagi siyang nagmamadaling makaalis sa set dahil may susunod pa raw siyang commitment. Ganu’n pala, e, bakit ang production ang minamadali niya? Bakit hindi niya pagbutihin ang pag-arte nang makaalis na agad siya?

“Nasaan ba kasi ang problema? Sa technical ba? Siya mismo ang problema dahil sa kabanuan niyang umarte. Para lang siyang nagsasalita nang wala namang emosyon. Tapos, magmamaangas pa siya?

“Meron kayang workshopper na matiyagang makapagtuturo sa kanya ng husay umarte? Sana nga, e, meron, pero hindi siya magbabayad ng fee, ha?

“Shout out lang niya ang kapalit nu’n!” nakataas ang kilay sa tenth floor na pagtatapos ng aming source.

Ubos!

Binondo, A Tsinoy Musical, ka-level na ng Miss Saigon

‘Yun ang dulang-pang-entablado na pansamantalang nagpalimot sa amin ng antok. Ipinakalimot din sa amin ng Binondo, A Tsinoy Musical ang terminong bagot.

Mula sa pagbubukas ng kurtina hanggang sa pagsasarado ay nasubaybayan namin ang isang dakilang istorya ng pag-iibigan na hindi nagtagumpay pero pinagtagpo rin ng kapalaran sa bandang huli.                          

Para kaming nanonood ng Miss Saigon habang pinanonood ang mga maipagmamalaking artista ng entablado ng Binondo, A Tsinoy Musical. At hindi lang ‘yun, ginastusan ang stage design, ang pag-iilaw at lahat ng mga detalyeng mas nagpatingkad pa sa kagandahan ng palabas.

Si Carla Guevarra-Laforteza ang gumanap bilang Lily. Si David Ezra ang gumanap bilang Ah Tiong. Si Floyd Tena ang gumanap na Tsinoy na nakatuluyan ni Lily. Si Ima Castro si Mrs. dela Rosa, Sina Jim Pebangco at Tuesday Vargas ang mga bumida sa koro, si Marella Laurel si Jasmin at si Ashlee Factor si Ruby.

Pero bukod sa mga personalidad na inikutan ng kuwento ay kumilos nang iisa ang lahat ng mga karakter sa kanilang pagsasayaw sa paggabay ng sikat na si Douglas Nieras.

Palibhasa’y nahasa na sa Miss Saigon, ang galing sa pagganap at pagkanta nina Carla at Ima ay wala nang kuwestiyon, ang malaking sorpresa para sa amin ay ang anak ni Dulce na si David Ezra na buung-buo ang boses mula sa umpisa hanggang sa huli.

Mula sa pamamahala ni Direk Joel Lamangan ang Binondo, A Tsinoy Musical, sa panulat ng henyong si Ricky Lee, ang kompositor, arranger at lyricist ng lahat ng mga piyesa ay likha ng musical director na si Von De Guzman sa mahusay na pag-iilaw ni Direk Joey Nombres.

Maipagmamalaki ng producer ang kanyang obra. Tunay na maipagmamalaki ang mga artista natin sa entablado na bigay-todo sa pagpapakita ng kani-kanilang mga talento.

Walang kaingay-ingay sa The Theater ng Solaire Resort & Casino habang tumatakbo ang palabas. Interesado ang manonood, napakasarap namnamin ng live orchestra, lalabas kang nasisiyahan at masasabi mo sa iyong sarili na hindi nasayang ang oras mo sa traffic at sa ipinambili mo ng ticket.

Mabuhay ang lahat ng mga nagsikap na magkaroon ng ganito kamapaghamong panoorin. Maraming salamat sa isang gabing punumpuno ng kasiyahan at pagmamalaking iba talaga ang Pinoy!

BINONDO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with