Komedyana na nakatira sa ilalim ng tulay, kinabubuwisitan sa kaangasan!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - June 24, 2018 - 12:00am

Harinawang natuto na ng leksiyon ang isang komedyana. Hindi naman siya sumikat nang todo, isa lang siya sa marami, pero ang porma niya at dating nu’n ay parang siya na ang reyna ng mga reyna sa larangan ng pagpapatawa.

Maangas siya, mareklamo, madiwara. Tandang-tanda pa ng aming source ang pagpapairal ng kayabangan ng komedyana sa isang kampanya. Nahuli siya ng dating, pero ang gusto niya ay mauna na siya sa pagkanta, gusto niyang lampasan ang mga singers na maaga pa lang ay nandu’n na.

Napakalakas pa naman ng kanyang boses, palengkera ang babaeng ito, kapag nagsasalita siya ay umaabot sa kabilang kanto ang mataas at matinis niyang boses.

Kuwento ng aming source, “Hindi lang nu’n, kahit kailan, e, maangas ang hitad na komedyanang ‘yun! Kahit kailan, e, mayabang siya! May mga hirit siyang alanganin, kaya maraming naiinis sa kanya.

“Reklamadora pa siya nu’ng lagay na ‘yun, ha? Hindi na nga siya kagandahan, e, kinakabog pa niya sa pagpapa-star ang mga tunay na sikat na kasabayan niya sa pagso-show!

“Ano ang nangyari sa kanya? Nabuwisit sa kanya ang mga show promoters, wala nang kumukuha sa kanya, nabuwisit din sa kanya ang mga talent coordinators dahil sa kaangasan niya!” mahabang chika ng aming impormante.

Matagal na nawala sa gitna ng aksiyon ang hitad na komedyante, balitang hirap na hirap na siya sa buhay, kaya natagpuan siyang naninirahan na lang sa ilalim ng tulay.

Kuwento uli ng aming source, “May mga naawa sa kinahantungan niyang buhay, pero mas marami ang parang walang pakialam. ‘Yun ang mga taong nakakakilala sa kayabangan niya, sa kaangasan niya, sa pagi­   ging reklamadora niya!

“Nakabalik na uli ang hitad, may pinakiusapan siyang kasamahang male personality na sana, mairekomenda siya sa isang sikat na aktor na naging ugali na ang pagtulong sa mga artistang walang trabaho.

“Binigyan naman siya ng project, kasama na siya ngayon sa isang programang pinanonood ng buong bayan. Sana naman, e, magmatino na siya, huwag na siyang nagmamaldita dahil hindi naman bagay sa itsura niya ang magmaangas!

“Matuto na rin sana siyang makisama, huwag na siyang nagrereklamo, dahil baka mapunta na naman siya sa kangkungan! Sabi nga ng mga nakakakita sa kanya ngayon, e, matuto na sana siya sa buhay.

“Imported pa naman ang kanyang name, apelyido lang niya ang bagay sa kanya dahil mukha siyang boksingera!” napapailing na pagtatapos ng aming impormante.

Ubos!

Karla maepal daw!

Malalim na ang pundasyon ng pagkakaibigan nina Karla Estrada at Mayora Tates Gana. Takbuhan ni Karla si Mayora Tates nu’ng mga panahong walang-wala pa siya at hindi pa nag-aartista si Daniel Padilla.

Maraming panahon ng agahan, tanghalian at hapunan ng pamilya ni Karla na si Mayora Tates ang nagsalba sa kanila sa gutom. Halos lahat ng pangangailangan ni Karla para sa kanyang mga anak ay ang kanyang Ate Tates ang sumasagot nu’n.

Malaki ang utang na loob ng aktres kay Mayora Tates, hindi kayang bilhin ‘yun nang kahit magkano, kailangan lang niyang balik-balikan ng pasasalamat.

Pero may panahon din kasing namangka sa dalawang ilog si Karla, naging malapit din siya kay Kris Aquino, hindi nga ba’t napanood pa ng buong bayan ang pangako ni Kris na reregaluhan nito ng piano ang kanyang anak na si Daniel?

Ewan lang kung ipinagtampo ni Mayora Tates ‘yun kay Karla, pero mukhang hindi naman, dahil walang lumabas na balitang may away sila kahit pa nauugnay na nu’n ang pangalan ni Kris kay Mayor Herbert Bautista.

Inilabas ni Karla sa kanyang account ang picture nina Mayor Herbert, Mayora Tates at ng dalawa nilang anak na sina Athena at Harvey habang nagbabakasyon ang pamilya sa Europe. Wala lang, siguro’y gusto lang niyang ipagmalaki na masayang-masaya ang pamilya dahil kumpleto sila, pero nakatikim ng pamba-bash si Karla nang dahil du’n.

Katatapos lang kasi ng pag-e-emowt ni Kris tungkol sa naging relasyon nila ng mayor ng Kyusi, pagkatapos ay tumambad agad ang larawan ng masayang pamilya na inilabas nga ni Karla, kaya umani siya ng kaliwa’t kanang pamba-bash.

Madaling sabihin ni Karla na wala naman siyang ibang pakay sa paglalabas ng picture ng pamilya kundi ang kasiyahan lang niya dahil kumpleto ang pamilyang mahal niya.

Pero para sa iba ay ibang dahilan ‘yun, gusto niyang supalpalin si Kris Aquino, dahil habang kuwento ito nang kuwento tungkol kay mayor ay hayun naman ang pamilya at masayang nagbabakasyon sa Europa.

Kani-kanyang interpretasyon lang naman ‘yan. Pero si Karla Estrada pa rin na tinatawag na maepal ang nasa gitna ng kuwento.

KARLA ESTRADA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with