^

PSN Showbiz

Aktor wala na naman sa katinuan!

UBOS - Cristy Fermin - Pilipino Star Ngayon

Umariba na naman ang kawalan ng disiplina ng isang male personality. Pangako siya nang pangako na magpapakatino na siya, seseryosohin na raw niya ang trabahong nagbigay ng magandang kabuhayan sa kanyang pamilya, pero hanggang sa pakuda lang naman pala ang alam niya.

Nagsawa na sa pagtulong sa aktor na ito ang kanyang mga kaibigan, kahit ang mga artistang nagbibigay sa kanya nu’n ng ayuda ay nagsawa na rin, dahil wala naman silang nakikitang pagbabago sa magaling pa namang aktor.

Kuwento ng aming source, “Sa isang pagkakataon, e, sasabihin niya na gustung-gusto na uli niyang magbalik sa pag-arte. Natural, natutuwa naman ang mga nakapaligid sa kanya.

“Pero biglang magbabago na naman ang kanyang isip, ayaw na raw niyang mag-artista uli, pagod na pagod na raw kasi siya. E, ano ang aasahan mo sa isang taong walang ma­linaw na gustong mangyari sa buhay niya?

“Saka saan naman siya pagod? Ano ang idinadahilan niyang kapaguran? Wala naman siyang ginagawa, sayang ang career ng batang ‘yun!” napapailing na kuwento ng aming impormante.

May mga panahong hindi pala umuuwi sa kanilang bahay ang male personality. Ni ha, ni ho ay walang natatanggap ang mga taong sa kabila ng lahat ng kanyang mga pinaggagagawa ay nagmamalasakit at nagmamahal pa rin sa kanyang kapalaluan.

“Nakakaloka siya! Bigla na lang siyang nawawala! Tatlong araw siyang hindi umuuwi. Meron naman siyang telepono para magamit nang hindi mag-alala ang mga relatives niya, pero hindi niya ginagawa.

“Pagbalik niya sa bahay, e, siya pa ang nagyayabang, siya pa ang nagmamarakulyo, hindi man lang niya unawain ang nararamdaman ng mga taong alalang-alala sa kanya!

“Kaya nga nagsawa na rin sa kanya ang isang female personality na sobra-sobra ang pagtulong na ginagawa sa kanya. Sa bandang huli kasi, e, parang minamasama pa niya ang ginagawang pagmamalasakit sa kanya nu’ng tao!

“Alis siya nang alis, ni walang idea ang mga relatives niya kung nasaan siya, ‘yun ba ang magsasabing gusto na niyang umarte uli? Nagwawala-walaan na lang basta? Wala pa rin siyang disiplina, kalat-kalat pa rin ang takbo ng utak niya!

“Baka gusto na naman niyang tumira sa airport? Baka ‘yun talaga ang buhay na gusto niya? Nakakaloka ang magaling pa naman sanang aktor na ito!” naiinis na pagtatapos ng aming impormante.

Juancho hindi nakitaan ng sinsero sa paghingi ng tawad kay Alden

Palagi namang ganu’n. Nasa bandang huli ang pagsisisi. Pagkatapos gumawa ng kalokohan ay saka manghihingi ng sorry. Parang maamong tupa na hihingi ng dispensa.

Sising-alipin ngayon si Juancho Trivino sa pangangarat niya nang dalawang daliri kay Alden Richards. Pinagsisisihan na raw niya ang naganap, humingi siya ng paumanhin sa Pambansang Bae, nag-sorry rin ang maangas na aktor-aktoran sa mga tagahanga ni Alden na nasaktan dahil sa kanyang pamamakyu.

Pero sa panghihingi niya ng dispensa ay mga butas pa rin ang kanyang pahayag. Hindi raw para kay Alden ang kanyang pa­ngangarat, hindi raw niya intensiyong bastusin ang actor-singer, ganu’n?

E, kaninong standee-poster ba ang kanyang pinakyu? Ibang artista ba ‘yun, hindi ba si Alden ang nasa poster, hihingi na rin lang si Juancho ng paumanhin ay hindi pa niya ‘yun nilubus-lubos.

Ang humihingi ng dispensa ay isandaang porsiyentong naninindigan sa kasalanang ginawa niya. Tinatanggap niya ang pangyayari, hindi na siya nag-iiwan ng mga salitang kuwestiyonable, tulad ng gustong palabasin ng starlet male personality na ito.

Ano’ng hindi naman para kay Alden ang ginawa niyang pangangarat? Palibhasa, e, pinakakain na siya ng apdo at ampalaya ng buong bayan, kaya siya napilitang mag-sorry.

Nasayang tuloy ang kanyang pagbabait-baitan, sa isang iglap lang ay natabunan ‘yun ng kayabangan at kabastusan, kailan pa naging tama ang pamamakyu sa isang taong nananahimik?

Pasalamat ang lalaking ito at kanaturalan na ni Alden Richards ang pagi­ging mapagkumbaba at mapagpatawad. Walang masamang tinapay para sa matagumpay na aktor.

Kung nakatapat si Juancho Trivino ng isang katulad din niyang maangas at bastos ay baka harap-harapan din siyang pinatikim ng sakit na idinulot niya.

Hmph!

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with