Sa sobramg kaartehan, aktres isang maleta ang bitbit na makeup
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 19, 2016 - 9:00am

Ang mga kabataang artistang tinatatakan ng kaartehan ngayon ay walang-wala kung iku­kumpara sa kaartehan ng isang aktres. Bata pa siya ay kakambal na niya ang kaartehan, nang magdalaga siya at nagkakaedad na ay hawak pa rin niya ang trono ng pagiging maarte.

Isang gabi ay napagpistahan ng mga becki ang maarteng aktres. Marami silang kuwento, magkakaibang sitwasyon, pero ang maarteng aktres lang ang bumibida sa lahat ng mga istorya.

Kuwento ng isang becki, “Nu’ng minsang ma-invite siya sa isang corporate show, e, dumating siya na akala mo maglilipat-bahay. Ang dami-dami niyang dala. May mga plastic bin siya na puro sapatos ang laman, maraming pares.

“May dalawang maletang hinihila-hila ang PA niya, para siyang mangingibang-bansa, pero mga make-up lang pala niya ang laman ng mga maletang ‘yun.

“Alam niya naman kung ano ang isusuot niyang damit, alam din niya ang color, ‘di sana, ‘yung iteterno na lang niyang shoes ang dinala niya, ‘di ba? Pero bakit kailangang magdala siya nang sangrekwang sapatos?

“At ‘yung male-maleta niyang make-up, ano ‘yun, memeyk-apan niya ang lahat ng mga artistang nandu’n sa dami ng dala-dala niyang pangkolorete?

“Ano tuloy ang nangyari? Sumikip ang dressing room, napakarami kasi niyang kagamitan na hindi naman pala niya kailangan dahil isang bihis lang siya sa show?” napapailing na kuwento ng becki.

Para raw magbebenta ng lipstick ang aktres dahil sa dami ng kanyang dala-dala. Mahilig kasi siya sa lipstick. Matutulog na lang siya ay kailangan pang pulampula ang kanyang mga labi.

Rebelasyon pa ng aming source, “Mawawalan ng isang gulong ang kotse niya, pero hinding-hindi niya makakalimutang punuin ng lipstick na may iba-ibang kulay ang bag niya!”

Ubos!

Nora maraming nakaimbak na poot sa dibdib

Pinanindigan ni Nora Aunor ang kanyang sinabi na dadalo siya sa taping ng Walang Tulugan ng Master Showman. Lumabas siya sa unang episode na itineyp pero sa dalawa pa ay bigla na lang siyang nawala.

Meron daw kasing iniiwasang makita ang Superstar. May isang regular na nakakasama dati ang namayapang Master Showman na ayaw raw makaengkuwentro ni Nora. Kapag nandu’n daw siya ay kailangang hindi sila magtagpo ng taong ayaw niyang makita.

Ang tinutukoy ni Nora ay ang kolumnis­tang sumalo kay Shalala nang lumipat ang komedyante sa TV5. Pagsalo na walang tuusan sa talent fee, pagtatrabahong walang kundisyon, kundi ang pagbigyan lang si Kuya Germs nang manghingi ng tulong ang main man ng Walang Tulugan.

Nasaan ba si Nora Aunor nang mangailangan ng tulong ang Master Showman? Pero ang kolumnistang pinakiusapan ni Kuya Germs ay hindi nagdamot ng panahon at serbisyo.

‘Yun ang hindi magandang katangian ng Superstar, punumpuno ng poot ang kanyang dibdib, may makapagbulong lang sa kanya na ganito at ganyan ang isang tao ay agad na siyang magagalit.

Napakaliit ng ating puso para magkarga ng mga negatibong emosyon. Ang galit ay itinatapon lalo na kung hindi rin naman tayo perpekto. Walang kasingganda ang buhay kung malaya tayong nakakikilos na wala tayong iniiwasan.

Mas magandang kinokompronta natin ang problema para masolusyunan. Hindi maganda ang pagsasalita nang talikuran, lalo na kundi naman kayang panindigan, pinaliliit lang natin ang sarili nating mundo kapag ganu’n.

ACIRC ANG ISANG KUYA GERMS LANG MASTER SHOWMAN MGA NIYA NORA NORA AUNOR SIYA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with