Kaya lang mabantot ang imahe female personality nagkasakit sa sobrang paggamit ng pabango!
UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - January 2, 2016 - 9:00am

Tandang-tanda pa ng isang grupo ng mga kilalang personalidad sa industriya ng pelikula ang pagiging banidosa ng isang pamosong babaeng personalidad.

Hindi lang siya vain sa kanyang sarili, kahit sa kanyang paligid ay masyado siyang banidosa, siya ang literal na galit sa mabaho, sa marumi, sa magulo at kung anu-ano pa.

Palagi siyang armado ng pang-spray. Bago siya dumating sa isang lugar ay kailangang naispreyan na ng kanyang advance party ang paligid dahil ayaw niyang makaamoy ng anumang hindi kagandahan ang maselan niyang ilong.

“Kahit ang dressing room niya sa isang network, kailangang maba­ngung-mabango ‘yun, lalo na ang CR, kaya meron siyang pinauunang mga tauhan para lang mag-spray nang mag-spray hanggang sa dumating na siya.

“Sabi nga ng isang veteran actress na nakasama niya nu’n sa taping ng isang teleserye, e, baka raw magkasakit siya sa lungs, kasi nga, puro chemical ang nalalanghap niya.

“Spray dito, spray du’n, depende ‘yun sa gusto niyang scent. In fairness, kapag pumasok ka naman sa waiting area niya, e, para kang nasa gitna ng isang malaking orchidarium sa sobrang bango ng paligid!

“‘Yun nga lang, sa kapapaganu’n niya, e, baka naman humina nang humina ang lungs niya, maapektuhan siya, hanggang sa magkasakit na siya,” nangangambang kuwento ng aming source.

Banidosa na ay metikuluso pa sa kanyang mga binibili ang sikat na female personality. Kailangang imported ‘yun, kailangang branded, at kailangang ‘yun ang brand na ginagamit ng mga hinahangaan niyang Hollywood stars.

Pagkontra naman ng isang impormanteng naaartehan sa sikat na female personality, “Ang bangu-bango nga ng kapaligiran niya, e, kabaligtaran naman ‘yun ng image niya!”

Ubos!

AiAi naging taon ang 2015

Nagtapos ang nakaraang taon para sa Come­dy Concert Queen nang nakangiti. Na­kabalik siya sa gitna ng labanan pagkatapos nang mahaba-haba ring panahon, pinagkatiwalaan siya ng GMA 7, at naging ma­tagumpay ang tambalan nila ni Bossing Vic Sotto sa MMFF.

Sabi ni AiAi delas Alas bago siya nagbakasyon sa ibang bansa kasama ang kanyang boyfriend na si Gerald Sibayan, ang kanyang panganay na si Sancho Vito at ang girlfriend nito, “Ang dami-dami kong dapat ipagpasalamat kay Lord ngayong 2015. Tinapos Niya ang lahat ng lungkot ko, ibinigay Niya ang lahat ng hiniling ko.

“Sabi ko nga, basta huwag lang tayong bibitiw, huwag lang tayong kakapusin ng tiwala sa Kanya na siyempre, kailangang kambalan din natin ng gawa,” sinserong pahayag ng numero unong komedyana.

Wala na siyang mahihiling pa ngayon dahil aktibo ang kanyang karera, maayos ang relasyon nila ni Gerald, maayos ang buhay at pag-aaral ng kanyang dalawang anak sa Amerika.

Basta may panahon ay dinadalaw niya sina Nicolo at Budang sa Amerika. Parang pagba-bonding na rin ng mag-iina ang pag-aayos ng nabili niyang bahay, may kani-kanyang toka sila, sa garden si Nicolo at sa kabahayan naman ang kanyang dalaga.

“‘Yun ang maganda, mas nagi­ging responsable sila, bukod pa sa pagiging independent. Dito kasi, may mga kasambahay kami, e, du’n, wala silang ibang aasahan, kaya silang magkakapatid lang talaga ang magtutulungan.

“Tanggap ko nang malayo sila sa akin ngayon, pero nu’ng ihatid ko sila para du’n na mag-aral, ang sakit-sakit, parang puputok ang dibdib ko sa kaiiyak.

“Hindi ako sanay na malayo sa akin ang mga anak ko, tapos, nai-imagine ko pa na sila ang nagluluto, ang naglilinis, ang gumagawa ng lahat-lahat!

“Iyak ako nang iyak. Pero minsan talaga, e, meron tayong kailangang i-sacrifice for the betterment of the whole nation,” pagkoko­medya pa ng nag-iisang si AiAi delas Alas.

ACIRC AMERIKA ANG BOSSING VIC SOTTO CONCERT QUEEN GERALD SIBAYAN ISANG KANYANG NIYA SABI SIYA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with