_ngayon
^

Laging may baon na sariling salamin na sinlaki niya, hunk actor sobrang banidoso pati mukha ibinababad sa yelo bago magpa-make-up

UBOS - Cristy Fermin (Pilipino Star Ngayon) - November 25, 2014 - 12:00am

Maiiwanan pala ng isang hunk actor ang ibang kagamitan niya sa taping, shooting, at pagho-host, pero hinding-hindi ang kanyang make-up kit at malaking salamin.

Biruan nga ng kanyang mga kasamahan ay puwedeng tumakbo ang kanyang sasakyan na tatlo lang ang gulong, pero hindi siya puwedeng umalis ng bahay na wala ang kanyang magic bag at salamin, dahil ganu’n katindi ang pagiging banidoso niya.

Para palang maglilipat-bahay ang hunk actor na ito kapag dumarating na siya sa trabaho, kung anu-anong gamit ang ibinababa ng kanyang driver at PA, meron pa siyang tipak-tipak na yelo sa kabuuan ng kanyang taping at shooting.

“Hindi siya magtitinda ng halu-halo, napakaimportante sa kanya ng yelo, ihinahaplos niya ‘yun sa face niya bago siya magpa-make-up. Ibinababad muna niya ‘yun sa face niya, matagal na haplusan ‘yun, kapag siguro nangangapal na ang mukha niya sa sobrang lamig, du’n pa lang siya magpapa-make-up,” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

At mahalaga rin ang gamot na pula para sa guwapong hunk actor, ipinapahid niya naman ‘yun sa kanyang mga sakong para mukhang mapula ang kanyang paa, naglalagay rin siya ng merthiolate sa mga nipples niya.

“Tatak na niya ‘yun! Walang makaaagaw sa kanya ng titulong ‘yun! Kanyang-kanya lang ang paglalagay ng gamot na pula sa mga nipples niya para magmukhang fresh na fresh siya.

“Matindi ang vanity ng lalaking ‘yun. Walang puwedeng magsabing marurumi ang mga fingernails niya, dahil tinututukan niya ang mga kuko niya sa kamay at paa. Palaging malinis ‘yun!

“Matagal din siyang mag-toothbrush, ewan naman kung anu-ano ang pinaggagagawa niya sa mga ngipin niya para abutin siya ng ganu’n katagal sa pagsesepilyo. At pagkatapos ng kanyang mga seremonyas, du’n na eeksena ang malaki niyang salamin na halos kasingtangkad niya.

“OA ang pagiging banidoso niya. Pero ‘yun na talaga siya, kailangan na lang nating tanggapin kung sino siya. Kung ayaw naman natin sa kanya, lagyan na lang natin ng X ang pangalan niya!” pagbibigay pa ng clue ng aming impormante.

Mommy D kinabog ang lahat ng stage mothers sa showbiz

Tama! Minsan pang iginuhit ni Manny Pacquiao ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng mundo sa positibong paraan, minsan pang pinatunayan ni Pacman na singtigas ng bato ang kanyang mga kamao, kaya walang pinamilian ang kanyang kasalpukang si Chris Algieri kundi ang bumagsak at tumambling na lang.

Bida sa laban si Pacman, pero may nagtangkang umagaw sa kanya sa atensiyon ng buong mundo, ang kanyang dakilang nanay na si Mommy Dionisia.

Kung mahilig ka sa komedya ay ayos lang ang mga pinaggagagawa ng ina ni Pacman. Walang problema ‘yun, nanay kasi siya ng boksingero, siyempre’y gusto niyang maisalba sa matinding kapahamakan ang kanyang anak sa ring.

Pero siyempre’y may mga kababayan din tayong naaalibadbaran sa mga ikinikilos ng binansagang PacMom, masyado na raw siyang nagiging OA, parang maligayang-maligaya raw si Mommy Dionisia kapag natututukan siya ng mga camera.

May punto naman ang mga pumapansin, hindi nga naman maganda sa panlasa na habang nakikipagbugbugan pa sa ring ang kanyang anak ay bigla na lang siyang sasalampak sa sahig, wala ring makalilimot sa ginawa niyang pagparada sa lona habang iwinawagayway ang hawak niyang rosaryo.

Nandu’n na tayo, higit kaninuman ay si Mommy Dionisia ang tunay na nagmamalasakit sa kanyang anak na nakikipagbigwasan sa ring, pero ang kanyang mga ginagawa ay sobra na sa nararapat lang.

Pinagtatawanan na siya, ginagawang isang pambansang joke, pero parang niyayakap naman ‘yun ni Mommy Dionisia.

Karakter talaga si Mommy Dionisia Pacquiao. Kabog niya ang lahat ng stage mothers sa showbiz. Siya na talaga. Nag-iisa lang siya!

KANYANG LANG MOMMY DIONISIA NIYA PACMAN SIYA WALANG YUN
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with