2nd batch ng Viva Hot Babes

Hindi mapapantayan ang kasikatan ng first batch of Viva Hot Babes na nagpasikat din individually kina Maui Taylor, Katya Santos, Andrea del Rosario, Jen Rosendahl, Kristine Jaca, Myles Hernandez, Gwen Garci at Hazel Cabrera.

Sa pagkawala ni Maui at sa pagiging abala ng mga naiwan niyang myembro, ipinasya ng Viva na magdagdag ng mga bago para ma-sustain ang kasikatan ng grupo.

Pitong mga bagong pangalan ang kamakailan ay inilunsad bilang bagong batch ng Viva Hot Babes. Nakikita na sila ngayon na kasama ng mga may pangalan nang myembro.

Hindi naman mahuhuli ang mga baguhan sa mga senior members ng grupo, hindi lamang sa looks kundi maging sa personalidad.

"Brainy Hotbabe" ang taguri kay Asia Agcaoili na naunang maging isang fashion model at unang nakilala sa programang Single.

Isang Clothing Technology graduate si Asia na nagdidisenyo at tumatahi ng kanyang sariling damit. Documentaries na gustong panoorin sa TV ng 22 taong gulang na showbiz newcomer.
*****
Seventeen years old lamang si Jaycee Parker na modelo sa mga komersyal ng Hanes, SM at Sara Lee. Nakalabas na rin siya sa mga video ng mga album na "Bulaklak", "Pink Palaka" ni Andrew E at "Sensual Dancing with Regine Tolentino".

Itinuturing na pinaka-bata sa mga Hot Babes, isang internet addict si Jaycee at mahilig gumawa ng mga website, magsayaw at barhopping.
*****
Stardom din ang unang puntirya ni Alyssa Alano, 18 taong gulang, bilang isang modelo. Nagbago ito nang mapabilang siya sa Hot Babes. Ngayon, gusto na niyang makilalang isang aktres. Magaling siyang kumanta at sumayaw at sumasagot sa tawag na Jeram.
*****
Katrina Gonzales is a born dancer. Dati siyang myembro ng all-girl dance group na Kikay. Nag-aaral siya ng MassCom at nakita na sa mga music video nina Marc Logan ("Scratch Mo Baby") at Parokya ni Edgar ("Yes Yes Yo" at "Mr. Suave"). Napanood din siya sa seryeng Sana’y Wala Nang Wakas.
*****
Unang nakilala bilang isang Star Circle talent si Anna Leah Javier nung 15 taong gulang pa lamang siya. Sandali lamang siya sa ABS CBN umalis siya at ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Ngayong tapos na siya ng MassCom, binalikan niya ang showbiz sa pamamagitan ng pagsali sa Viva Hot Babes. Maraming print ads si Anna– Kodak, Casio, Nokia, Smart, Bowling Gold at Uni Oil.
*****
Isa namang fashion model ang 18 years old na si Jennifer Lee. Para mabilis na umusog ang kanyang career, nag-decide siyang sumali sa Viva Hot Babes. Swerte naman siya dahil bago siya umuwi nang mag-audition siya ay pinapirma na siya ng kontrata ni Boss Vic del Rosario. Athletic si Jennifer, mahilig siya sa taekwondo, wall climbing at naglalaro ng badminton at basketball.
*****
Marami nang nakakikilala kay Ella Villanueva, lalo na yung mga pumupunta ng Viva dahil nagtrabaho siya rito. Si Boss Vic ang nag-encourage sa kanya na mag-showbiz. Witty si Ella V at talagang nakakatawa. Pinapayuhan nga siya na bawasan ito dahilan sa nakakatulad na siya ni Rufa Mae Quinto na nakakamukha niya rin. Dahil baguhan siya baka, hindi siya maka-angat at maging anino lamang ng seksing actress-comedian.
*****
Sa dami ng magkakaroon ng concert sa Valentine’s Day, may posibilidad na hindi na ganun kalaki ang magiging kita ng mga concert producers at performers. Idagdag mo pa ang kakapusan ng pera ng tao na baka ang gawin na lamang ay mamasyal kasama ang kanilang mga Valentine’s date o ang mga pamilya nila o di kaya naman ay maghanap na lamang ng mga free concerts at ito ang panoorin.

Maswerte ang mga taga-Eastwood Libis, dahil isang libreng concert ang inihahanda ng JM International Entertainment mismong sa Araw ng Mga Puso at tatampukan ng isang napaka-galing na imported artist mula sa Hawaii na si Jesse Rivera. Gaganapin ito sa Eastwood Water Plaza sa ika-8:00 ng gabi.

Darating ng bansa si G. Rivera sa ika-12 ng Pebrero at mananatili rito ng mga isang linggo na kung saan ay ipo-promote niya ang kanyang album na "Are We In Love" mula sa Synergy Music Corp. sa Peb. 15, 4 ng hapon sa SM Bicutan at Ever Commonweath.

Ikawalong punta na rito ni Jesse Rivera na ang unang CD na "Words Just Don’t Come Easy" ay nabigyan ng nominasyon sa Hawaii Academy of Recording Arts nung 1995. Nominee rin sa Hawaii Music Awards ang second CD niya na isang tribute sa mga mothers, ang "A Mother’s Love" nung 1999.

Si Jesse ay itinuturing na isa sa pinaka-in demand na artists ng Hawaii.

Ang "Are We In Love" ay naglalaman ng mga hit songs na sumikat at naging paborito sa Hawaii.

Sa mga nakaraan niyang pagbisita rito, nakapag-guest siya sa Eat Bulaga, Late @ Night, Magandang Umaga Bayan, Tsada Cagayan, Sing It Cebu at Master Showman Presents.

Nakapag-perform na rin siya sa Makati Shangri-La, Galleria mall, The Dish, Podium, Country Waffle-Libis, Robinson’s Batangas at Sunflower City Cebu.