2 naka-bonnet na Tirador ng mga metro ng tubig, huli

CAVITE, Philippines — Arestado ang dalawang lalaking naka-bonnet at magkaangkas sa motorsiklo dahil sa umano’y pagnanakaw sa mga metro ng tubig, kamakalawa sa Brgy. Buenavista 2, Gen. Trias City nitong Martens.
Base sa ulat, alas-12:50 ng madaling araw nang madaanan ng nagpapatrolyang Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) sa nasabing lugar ang dalawang kahina-hinalang mga lalaki na sakay ng isang motorsiklo.
Sinita ng grupo ang dalawa dahil sa kapwa nakasuot ng bonnet, walang suot na helmet at wala ring plaka ang gamit nilang motorsiklo.
Kinilala ng pulisya ang mga suspek sa alyas “John Mac” at “Baro,” kapwa nasa hustong gulang.
Sa pagsisiyasat ng BPAT, nakita sa dalang bag ng mga suspek ang tatlong pirasong water meter na walang maipakitang dokumento na kanilang mga pagmamay-ari ang mga ito.
Dito na inaresto ng grupo ang dalawa at dinala sa Gen Trias City Police Station. Nang muling siyasatin at kapkapan sa himpilan, narekober mula sa suspek na si Baro ang isang cal .9mm pistol na burado ang serial number.
- Latest




















