Carwash sinuwag ng SUV: 4-anyos patay, ama sugatan

MANILA, Philippines — Patay ang isang 4 anyos na batang lalaki habang sugatan naman ang ama nito makaraang suwagin ng isang Sports Utility Vehicle (SUV) ang isang carwash shop sa Brgy. Oringao, Kabankalan City, Negros Occidental nitong Miyerkules.
Ang biktimang tinukoy lamang sa pangalang Neil ay dead-on-the-spot sa insidente habang mabilis namang isinugod sa pagamutan ang ama nitong si Lito para malapatan ng pangunahing lunas.
Sa report ni P/Lt. Col. John Ganzon, Chief of Police ng Kabankalan City, nangyari ang insidente sa nasabing carwash kung saan pinalilinisan ng 26 anyos na mister ang kaniyang tricycle kasama ang paslit nitong anak.
Ayon sa imbestigasyon, naidlip ang driver ng SUV na isang 39 anyos na construction manager, taga-Pasig City habang kasama nito ang kaniyang misis at dalawang anak.
Bunga nito ay tuluy-tuloy na sinuwag ng SUV ang nasabing carwash shop kung saan nasapul ang bata at malubha namang nasugatan ang ama nito na nakaladkad pa ng behikulo sa dulo ng istraktura na nagtamo rin ng pinsala sa insidente.
Sa pahayag ng driver ng SUV sa himpilan ng pulisya, sandali umano siyang naidlip dahilan sa matinding pagod na nagmaneho mula Dumaguete City patungong lungsod ng Kabankalan.
Nagtamo rin ng bahagyang sugat ang driver ng SUV habang masuwerte namang hindi nagtamo ng pinsala sa katawan ang mag-iina nito. Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga awtoridad sa kasong ito.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at serious physical injury ang driver ng SUV.
- Latest




















