Gov. Aragones, Laguna officials kinasuhan ng graft sa Ombudsman

LAGUNA, Philippines —Sinampahan sa Office of the Ombudsman ng kasong graft ang gobernador ng lalawigang ito at ang iba pang lokal na opisyal kahapon.
Si Laguna Governor Sol Aragones, dating kilalang mamamahayag ay kinasuhan sa Ombdusman ni Laguna Board member Lorenzo Zuñiga Jr. na sinamahan ni Calamba City Councilor Niño Lajara dahil sa paglabag ng una at iba pang opisyal sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices, partikular ang seksyon 3(e) at (g).
Ang kaso ay nag-ugat sa pagpapatupad ng financial assistance/review program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna, partikular ang pagpapalabas ng P15,500 sa bawat indibidwal na nagsilbing “reviewee” nang hindi umano dumaan sa public bidding at procurement process.
Kinondena naman ni Aragones ang timing ng pagsasampa ng graft laban sa kanya ni Zuñiga Jr., na nagsasabing ang mga detalye ng kaso ay unang kumalat sa social media bago nakatanggap ng opisyal na kopya ang kanyang opisina.
Sinabi ni Aragones na layunin lamang nito na sirain ang kanyang reputasyon.
“Maglalabas kami ng buo at pormal na pahayag sa tamang panahon kapag natanggap at nasuri na namin ang pormal na reklamo sa tamang proseso at legal forum,” pahayag ni Aragones.
- Latest




















