Clark Airport ginagawang daanan ng dayuhan na sangkot sa POGO – Ex-PAOCC spokesman
SAN FERNANDO CITY, Pampanga , Philippines — Ginagamit umano ang Clark International Airport bilang daanan ng mga dayuhang konektado sa dating operasyon ng POGOs (Philippine Offshore Gaming Operators), ayon kay dating Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston John Casio.
Ayon kay Casio, ilang dayuhang nasakote sa Bataan ang pinalaya sa utos ng Bureau of Immigration at kalaunan ay natunton na dumaan sa Clark bago sumakay sa isang privately chartered aircraft patungong Cebu.
“Saan ba sila sumakay? Sa Clark din,” ani Casio sa panayam sa isang lokal na radio at television station sa Pampanga.
Ayon kay Casio, hindi awtomatikong nabuwag ang mga dating POGO network kahit ipinagbawal na ng gobyerno ang industriya noong 2024 at ipasara ang POGO operations, dahil ilan umano ang lumipat lang sa mga online scams at iba pang ilegal na aktibidad.
Binatikos din ni Casio ang umano’y hindi pagtutugma ng datos ng Bureau of Immigration, Department of Labor and Employment at Philippine Amusement and Gaming Corp. tungkol sa mga dayuhang manggagawa. Aniya, maaaring maging problema ito sa pagtukoy sa pagpasok, trabaho at pag-alis ng mga dayuhan sa bansa.
Iginiit din ni Casio na may mga dayuhang na-deport na umano’y nakabalik dahil hindi nailagay sa immigration blacklist. Dahil dito, nanawagan siya ng mas mahigpit na koordinasyon at mas maayos na database upang hindi makalusot sa immigration controls ang mga indibidwal na inuugnay sa mga kriminal na aktibidad. Ilang operasyon na rin laban sa mga dayuhan at umano’y scam activities ang isinagawa sa Clark.
- Latest


















