Misis na may P1 milyong pautang, niratrat ng 3 delivery rider!

CAVITE, Philippines — Isang negosyanteng misis ang malubhang nasugatan matapos na pagbabarilin ng tatlong hinihinalang gun-for-hire na nagpakilalang mga delivery rider ng ride hailing app kamakalawa ng hapon sa Brgy. Tejero Gen. Trias City, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si alyas “Holie,” 37-anyos, may asawa, at residente ng Dream Homes Subdivision, Brgy. Tejero, Gen. Trias City, Cavite.
Sa imbestigasyon ng pulisya, alas-3 ng hapon, habang nasa loob ng kanilang bahay ang biktima nang may dumating na delivery rider. Nang sumilipang biktima, nagsalita pa ang suspek na may parcel diumano siya. Nang lumabas at inaabot na nito ang parcel, isa pang motorsiklo na nakahinto at lulan ng dalawang lalaki ang biglang umarangkada palapit sa biktima at dito na siya pinagbabaril.
Duguang bumagsak ang biktima na nagtamo tama ng bala sa dibdib at tiyan habang mabilis na tumakas ang mga suspek.
Sa pagsisiyasat, ang malaking utang ng biktima ang lumalabas na motibo ng pamamaril. May isang kliyente umano ang biktima na nautangan nito at hindi na siya nakakabayad na umabot na sa 1-milyong piso.
Sa salaysay ng kaibigan ng biktima, isang alyas “Lenie” ang nangutang umano sa biktima na umabot ng P1 milyon at hindi na nakakabayad kaya sinabihang sasampahan ng kaso.
Sa tulong namang ng mga CCTV sa lugar kakilala ang mga suspek at dalawang motorsiklo na kanilang ginamit.
Ayon sa Gen. Trias City Police, agarang malulutas ang krimen sa tulong na rin ng mga lumutang na witness, at sa mga CCTV footages.
- Latest





















