17-anyos kinuyog, 17 beses sinaksak ng 4 kabataan!

MANILA, Philippines — Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang 17-anyos na binatilyo makaraang kuyugin, pagbubugbugin at 17 beses na pagsasaksakin ng apat na kabataang lalaki sa isang masukal na damuhan sa tabi ng kalsada ng Brgy. Lawy sa Capas, Tarlac.
Sa ulat ni Capas Police Chief P/Lt Col. Alfie Salang, dakong alas-7 ng gabi noong pang Biyernes nang abangan ng apat na kabataang suspek ang biktima at kasama nito sa nasabing lugar at pinagtulungang bugbugin pero nakatakbo ang isa sa mga biktima.
Hindi pa nakuntento matapos bugbugin, pinagsasaksak pa ng mga suspect sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na siya nitong ikinamatay.
Nagawang makapagtago sa masukal na bahagi ng bukirin ng nakatakas na kasamahan ng biktima na kinabukasan na lumabas at humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Ayon sa opisyal, bago sa naturang lugar ang dalawang biktima na nagtatrabaho sa isang itikan.
Lumalabas pa sa imbestigasyon, na napagtripan lamang ng mga suspect ang dalawang biktima dahilan maingay umano ang tambutso ng motorsiklo ng mga ito kung saan una nang nagkaroon ang mga ito ng mainitang komprontasyon.
Sa follow-up operations ng pulisya, nasakote ang apat na suspect na kinabibilangan ng dalawang 17-anyos, isang 18-anyos at isang 14-anyos.
Ang tatlong suspek maliban sa 14-anyos ay sinampahan na ng kasong murder.
- Latest

















