Estudyante tiklo sa ‘kidnap me’, P.3-M ransom hingi

Video clips na nagmamakaawa, ikinalat
MANILA, Philippines — Bagsak kalaboso ang isang 19-anyos na estudyante matapos na magkunwaring kinidnap siya at humingi pa ng ransom na P.3-milyon sa kaniyang pamilya sa isinagawang operasyon sa Brgy. 1, Lipa City, Batangas nitong Huwebes.
Ang nasakoteng estudyante ay kinilala lamang sa pangalang Charles, naninirahan sa Brgy. Dagatan ng lungsod na ito.
Sa ulat ng Batangas City Police, dumulog ito sa pulisya at inireport na nakidnap ang kaniyang anak na si Charles at nagpadala pa ng video clips at mga mensahe sa messenger na humihingi ng ransom na P300,000 sa kaniyang mga magulang.
Ayon sa ina ni Charles, may natanggap siyang banta na papatayin ng mga kidnapper ang kaniyang anak kapag hindi naibigay ang ransom kaya napilitan na siyang dumulog sa mga awtoridad.
Samantala, ang video clips ng nagmama-kaawang si Charles, bukod sa kaniyang pamilya ay ipinakalat din sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak.
Sa imbestigasyon ng pulisya, na-establisa na gawa-gawa lamang ng estudyante na dinukot siya para makakuha ng pera sa kaniyang mga magulang.
Nabatid na natunton ng mga pulis ang kinaroroonan ni Charles at dito’y nabatid na nagda-drama lamang ito sa ipinadalang video clips at hindi siya totoong nakidnap.
Sa nakuhang CCTV footage ng pulisya, napatunayang hindi dinukot ang suspect kaya siya inaresto at dito na siya umamin sa “kidnap me”.
Inaalam pa ng pulisya kung nahuhumaling sa online gambling ang nasabing estudyante kaya nangangailangan ng malaking pera gayong ang pag-aaral nito ay suportado naman ng kaniyang pamilya.
Nahaharap ang estudyante sa paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o ang Unlawful use of means of Publication and unlawful utterances alinsunod sa Republic Act 10175.
- Latest




















