SUV na nahulog sa Agana Bridge naiahon na, 2 pang sakay ‘di nakita
MANILA, Philippines — Naiahon na ng mga awtoridad ang Sports Utility Vehicle (SUV) na bumulusok sa ilog matapos na bumigay ang Agana Bridge sa Tarlac City, Tarlac kamakailan sa isinagawang operasyon nitong Miyerkules ng gabi.
Sa pahayag ni Tarlac City Mayor Susan Yap, matapos marekober ang nawawalang SUV ay naiahon na rin dakong alas-7 ng gabi matapos gamitan ng backhoe ng mga rescuers.
Gayunman, wala ni isang bangkay mula sa dalawa pang nawawalang sakay nito ang natagpuan mula sa loob ng nasabing sasakyan.
Noong Agosto 29 sa kasagsagan nang malalakas na pagbuhos ng ulan dulot ng habagat ay nahulog ang SUV sa Tarlac River na may limang sakay matapos namang bumigay ang Agana Bridge sanhi ng malakas na agos ng tubig baha.
Sa nasabing insidente ay nasagip ang nag-iisang survivor na si Nathaniel Dizon, 20 taong gulang.
Matapos ang ilang araw, magkasunod namang narekober ang mga labi nina James Patrick Taborlupa, at Shanen Tuhao na napadpad sa karagatan ng Pangasinan noong Agosto 31 at Setyembre 1, ayon sa pagkakasunod.
Dahil dito, patuloy na pinaghahanap ng mga rescuers ng Philippine Coast Guard at ibang rescue team ang mga nawawalang sina Paul Harvey Collado, nurse supervisor ng Jecsons Medical Center, at Shiela Mae Taborlupa.
- Latest



















