‘Kasibu 11’ sa anti-mining barricade, nakapagpiyansa
BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines — Nakalabas na kamakalawa sa kulungan ang mga anti-mining protesters na tinaguriang “Kasibu 11” na inaresto sa kanilang barikada sa nasabing bayan sa Nueva Vizcaya.
Dakong alas-3 ng hapon nitong Setyembre 1 nang makalaya ang “Kasibu 11” matapos makapagpiyansa ng tig-P36,000 o kabuuang P430,000 sa kasong “grave coercion” at “resistance and disobedience to a person in authority” kaugnay ng umano’y pagharang sa pagpasok ng mga tauhan ng North Luzon Mineral Resources Corp. (NLMRC) at kanilang mga dalang krudo sa Barangay Paquet ng nasabing bayan.
Ayon kay Atty. Aivy Nipahoy, isa sa mga abogado ng mga residente, mula sa mga donasyon ng publiko na sumusuporta sa kanilang laban ang ipinambayad sa piyansa.
Samantala, kinondena ni Atty. Ellice Balgos ang umano’y pagkakait ng Nueva Vizcaya Police sa pribadong pakikipag-usap ng mga detenido sa kanilang mga abogado at sa pagdodokumento ng kanilang mga salaysay. Aniya, kaparehong insidente rin ang nangyari sa tatlong nagbarikada na inaresto noong Agosto 19.
- Latest















