P14 milyong puslit na yosi nasabat sa Maguindanao

COTABATO CITY, Philippines — Nasa P14-milyong halaga ng mga imported na sigarilyo ang nakumpiska ng mga pulis sa matagumpay na anti-smuggling operation sa Barangay Sarmiento, Parang, Maguindanao del Norte noong Martes ng umaga, Setyembre 1, sa tulong ng mga lokal na opisyal at tradisyunal na lider ng mga Moro.
Ayon sa mga opisyal ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office at ni Captain Steffie Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, maayos na nakasalansan ang mga puslit na sigarilyo sa loob ng isang van-type na truck, na nakahalo sa mga kargang niyog nang maharang ng mga pulis sa isang bahagi ng highway sa Barangay Sarmiento, Parang.
Hinuli naman at sumasailalim ngayon sa interogasyon sina Jamaludin Saliling Samsodin, driver ng truck, at helper nitong si Abdilla Sultan Manggona. Sila umano ang maghahatid ng mga puslit na sigarilyo sa iba’t ibang bayan sa Maguindanao del Norte at sa Cotabato City.
Tinaya sa P14 milyon ng mga lokal na opisyal, mga imbestigador ng Parang Municipal Police Station at mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 14 ng PRO-BAR ang halaga ng mga nakumpiskang sigarilyong gawa sa Indonesia. Pinangunahan nina Lt. Genereso Gascon ng 1401st Regional Maneuver Company ng PRO-BAR at Major Albert Carbungco, acting chief ng Parang Municipal Police, ang anti-smuggling operation kasunod ng tinanggap na tip mula sa mga lokal na opisyal at mga negosyante sa Maguindanao del Norte at Cotabato City hinggil sa umano’y paghahatid ng kontrabando sa mga retailer sa dalawang lugar.
Nasa kustodya na ng Parang Municipal Police ang truck na kargado ng mga puslit na sigarilyo. Nakarehistro umano ito sa pangalan ni Christopher Lee Revelo ng Gingoog City sa Region 10.
- Latest




















