Taal Lake nanganganib umapaw; dredging sa Pansipit River panawagan

BATANGAS, Philippines — Nanganganib umapaw ang Taal Lake dahil sa patuloy na pagtaas ng water level na maaaring magdulot ng pagbaha at pinsala sa mga komunidad at imprastraktura sa mga mabababang lugar.
Ayon kay Engr. Mario Balason, director at tagapagsalita ng Taal Lake Aquacultural Alliance, Inc., mahigit isang metro na ang itinaas ng water level kumpara sa dating normal.
Nalubog na rin nang halos kalahating metro ang ilang bahagi ng circumferential road sa Tanauan, habang naaabot na ng tubig at malalaking alon ang ilang fish ports at establisyimento sa Talisay, kabilang ang Club Ysabel.
Sinabi ni Balason na maaaring lumala ang sitwasyon kapag dumating ang isang malakas na bagyo na maaaring makaapekto sa kabuhayan at buhay ng mga residenteng nasa low-lying areas.
Dahil dito, nanawagan si Balason sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang kinauukulang ahensya na agarang aksyunan ang problema upang maiwasan ang mas malaking pinsala sa mga komunidad sa paligid ng Taal Lake ng agarang dredging o paglilinis sa humigit-kumulang walong kilometrong Pansipit River, mula Agoncillo hanggang Balayan Bay sa Lemery, upang alisin ang mga obstruction at mapabilis ang pagdaloy ng tubig mula sa Taal Lake.
- Latest





















