NLEX magtatayo pa ng pumping stations kontra baha

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Magpapatayo ang North Luzon Expressway (NLEX) Corporation ng karagdagang mga pumping station at water collection system sa mga estratehikong bahagi ng NLEX upang maiwasan ang muling pagbaha sa ilang bahagi ng expressway.
Ayon kay NLEX Corporation Assistant Vice President for Traffic Operations Robin Ignacio, kabilang sa mga lugar na pagtutuunan ng pansin ang Meycauayan at Marilao sa Bulacan, gayundin ang Tulaoc sa San Simon, Pampanga, na nakaranas nang matinding pagbaha.
Bahagi ito ng pangmatagalang hakbang ng kumpanya upang mapabuti ang drainage system at maiwasang maulit ang paglubog sa baha ng NLEX.
Samantala, naitaas na rin ng NLEX Corporation ang roadway sa Tulaoc ng 0.7 metro. Sinundan naman ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pamamagitan ng pagpapataas sa Tulaoc Overpass. Mula sa dating 4.5 metro, itinaas ito sa 5.2 metrong vertical clearance.
Plano ring dagdagan pa ng 0.3 metro ang taas ng roadway sa Tulaoc upang umabot sa kabuuang isang metro ang itinaas nito.
Mahalaga ang bahaging ito ng NLEX dahil nagsisilbi itong pangunahing mabilis na ruta mula Metro Manila patungo sa Central at Northern Luzon, gayundin sa mga biyaheng pabalik sa kabisera.
Layunin ng mga hakbang na ito na mapanatiling ligtas, maayos, at passable ang NLEX, lalo na sa panahon ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.
- Latest




















