2 sakay ng SUV na nahulog sa Agana Bridge, narekober

MANILA, Philippines — Narekober na ang bangkay ng isang lalaki at isang babae na kabilang sa nawawalang apat na sakay ng SUV na nahulog sa Tarlac River at tinangay ng rumaragasang agos makaraang bumigay ang Agana Bridge sa kasagsagan ng malalakas na pagbuhos ng ulan sa Tarlac City, ayon sa ulat kahapon.
Sa ulat, sinabi ni Tarlac City Mayor Susan Yap, nakatanggap ng tawag ang Tarlac Provincial Risk Reduction and Reduction Management Office (PDRRMO) mula sa Pangasinan noong Agosto 31 ng gabi hinggil sa bangkay na natagpuang lumulutang sa bahagi ng karagatan ng Lingayen, Pangasinan.
Ayon kay Yap, nagtungo sa Dagupan City ang pamilya ng biktimang si James Patrick Taborlupa at kinumpirma na siya ang nakita ng isang bangkero ang habang lumulutang sa bayabayin kaya agad itong inireport sa Coast Guard-Dagupan City na mabilis namang nagresponde sa bahagi ng naturang karagatan.
Una rito, iniulat ni Yap na ang bangkay ay narekober sa karagatan ng Brgy. Carael, Dagupan City. Gayunman, itinama ito ng Dagupan City Police Office Station 5 na sinabing ang bangkay ay naispatan ng mga mangingisda may 8 kilometro sa karagatan ng Lingayen.
Kahapon ng hapon, sinabi ni Yap na sumunod na narekober ang bangkay ng isang babae matapos maispatan ng isang mangingisda habang nakalutang ito sa baybayin ng Brgy. San Vicante sa Bayambang, Pangasinan.
Kinumpirma ng Yap na ang bangkay ng babae positibong kinilala na si Shanen Tuhao na kabilang sa apat na sakay ng SUV na nahulog sa Agana Bridge at noong Agosto 29.
“Dalawa pa po ang hindi pa natatagpuan kaya patuloy pa rin ang search, rescue, and retrieval operations, kasama ang mqa kinauukulang ahensya at mga karatig-lugar, sa pag-asang matutunton na rin ang dalawa pang nawawala,” pahayag ni Yap.
- Latest





















